7
Dumating si Ezra sa Jerusalem
1Pagkalipas ng maraming taon, nang si Artaherhes ang hari ng Persia, dumating si Ezra sa Jerusalem galing sa Babilonia. Si Ezra ay anak ni Seraias na anak ni Azarias. Si Azarias ay anak ni Hilkias. 2Si Hilkias ay anak ni Salum na anak ni Sadoc. Si Sadoc ay anak ni Ahitob. 3Si Ahitob ay anak ni Amarias na anak ni Azarias. Si Azarias ay anak ni Meraiot. 4Si Meraiot ay anak ni Zeraias na anak ni Uzi. Si Uzi ay anak ni Buki. 5Si Buki ay anak ni Abisua na anak ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar na anak ni Aaron na punong pari. 6Si Ezra ay isang tagapagturo na lubos ang kaalaman sa Kasulatan na ibinigay kay Moises ng Panginoon, ang Diyos ng Israel. Dumating siya sa Jerusalem mula sa Babilonia at ibinigay ng hari ang lahat ng hiniling niya dahil pinatnubayan siya ng Panginoon na kanyang Diyos. 7May sumáma ring mga Israelita sa kanya nang bumalik siya sa Jerusalem noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaherhes. Kabilang sa mga sumáma ay ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga tagapagbantay ng Templo, at mga tagapaglingkod sa Templo.
8Dumating si Ezra sa Jerusalem sa ikalimang buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Artaherhes. 9Umalis si Ezra sa Babilonia sa unang araw ng unang buwan. At nakarating siya sa unang araw ng ikalimang buwan sa Jerusalem sapagkat ginabayan siya ng Diyos. 10Sapagkat itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.
Ang Sulat ni Artaherhes kay Ezra
11Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaherhes kay Ezra, na pari, at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:
12Ako si Haring Artaherhes, ang hari ng mga hari.
Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Diyos ng langit.
13“Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumáma sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama. 14Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Diyos, na lubos mong nalalaman.#7:14 na lubos mong nalalaman: O na ipinagkatiwala sa iyo. 15Dalhin mo rin ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Diyos ng Israel na nananahan sa Jerusalem. 16Kasama rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan at ng mga pari nila para sa Templo ng kanilang Diyos sa Jerusalem. 17Tiyakin mo na ang perang ito ay gagamiting pambili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga batang lalaking tupa, mga butil at inuming handog. Lahat ng mga ito ay ihahandog sa altar ng Templo ng inyong Diyos sa Jerusalem.
18“Ang matitirang ginto at pilak ay puwede ninyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Diyos. 19Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa Templo ng iyong Diyos ay ibigay mong lahat sa Diyos ng Jerusalem. 20Kung may iba ka pang kailangan para sa Templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.
21“Ako, si Haring Artaherhes, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay ninyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Diyos ng langit. 22Bigyan ninyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan. 23Ibigay ninyo rin ang lahat ng kinakailangan sa Templo ayon sa iniutos ng Diyos ng langit. Sapagkat kung hindi, baka sa aking kaharian at sa aking mga anak maibaling ang kanyang galit. 24Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga tagapagbantay ng Templo, mga tagapaglingkod sa Templo, at iba pang nagtatrabaho sa Templo ng Diyos.
25“At ikaw, Ezra, ayon sa karunungang ibinigay sa iyo ng Diyos, pumili ka ng mga tagapamahala at mga hukom na nakakaalam ng Kautusan ng iyong Diyos at sila ang mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan sa kanluran ng Eufrates. At ang mga tao na hindi nakakaalam ng Kautusan ay turuan mo. 26Sinumang hindi tumupad sa Kautusan ng iyong Diyos o kayaʼy sa kautusan ng hari ay parurusahan ng kamatayan, o paaalisin sa lugar niya, o kukunin ang ari-arian niya, o ikukulong siya.”
Pinuri ni Ezra ang Diyos
27Sinabi ni Ezra, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng mga ninuno natin, na humipo ng puso ng hari na parangalan niya ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem. 28Dahil sa kabutihan sa akin ng Panginoon, mabuti ang pagtrato sa akin ng hari at ng mga tagapayo niya, at pati na ng lahat ng makapangyarihan niyang opisyal. At dahil nga tinutulungan ako ng Panginoon na aking Diyos, nagkaroon ako ng lakas ng loob upang tipunin ang mga pinuno ng Israel upang sumáma sa akin sa Jerusalem.”