18
Binisita ni Jetro si Moises
1Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Diyos kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Ehipto.
2Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora 3at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gerson, dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” 4Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,#18:4 Eliezer: Ang ibig sabihin, Ang Diyos ang tumutulong sa akin. dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Diyos ng aking ama ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”
5Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Diyos. 6Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.
7Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan. Yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkumustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. 8Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Ehipsiyo para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Ehipsiyo. 10Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Ehipsiyo at ng Faraon. 11Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng diyos, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Ehipsiyong nagmamaltrato sa kanila.” 12Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Diyos. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng pinuno ng Israel. Sumama sila kay Jetro upang kumain sa harapan ng Diyos.
Pumili si Moises ng mga Hukom
(Deu. 1:9‑18)
13Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom upang dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”
15Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin upang malaman ang kalooban ng Diyos. 16Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at kautusan ng Diyos.”
17Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Diyos. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Diyos para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at kautusan ng Diyos. Turuan mo rin sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21At pumili ka sa taong-bayan ng mga lalaking may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga pinuno ng mga pangkat na binubuo ng isang libo, isang daan, limampu at sampung tao. 22Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23Alam kong ito ang gusto ng Diyos na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”
24Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25Pumili siya sa mga Israelita ng mga lalaking mayroong kakayahang mamuno at ginawa niya silang mga opisyal ng mga grupong binubuo ng isang libo, isang daan, limampu at sampung tao. 26Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.
27Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.