23
Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel
1Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.
2Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi.
3Walang Amonita o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. 4Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Ehipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Aram-naharaim para sumpain kayo. 5Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Diyos kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Diyos. 6Habang buháy kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.
7Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Ehipsiyo dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. 8Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.
Iba pang mga Tuntunin
9Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.
11Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo.
12Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ninyo ito pagkatapos. 14Sapagkat ang Panginoon na inyong Diyos ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang inyong mga kaaway. Kaya kailangang banal ang inyong kampo, upang wala siyang makitang malaswa sa inyo at talikuran niya kayo.
15Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.
17Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga diyos-diyosan sa templo. 18Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Diyos ang perang natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Diyos, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.
19Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, ngunit hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito upang pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.
21Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Diyos, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Diyos, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23Ngunit anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Diyos ay dapat ninyong tuparin.
24Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, ngunit huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan. 25Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, ngunit huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.