Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 9

9
Nanalangin si Daniel para sa mga Israelita
1Si Dario na taga-Media na anak ni Asuero#9:1 Asuero: Sa Hebreo, Ahasuerus. ang hari noon sa buong Babilonia. 2Noong unang taon ng paghahari niya, akong si Daniel, ay naintindihan mula sa mga Kasulatan na mananatiling giba ang Jerusalem sa loob ng pitumpung taon, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias. 3Dahil dito, lumapit ako sa Panginoong Diyos at nanalangin. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo.#9:3 nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo: Itoʼy ginagawa ng mga Hudyo upang ipakita na nalulungkot sila at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 4Nanalangin ako sa Panginoon na aking Diyos at humingi ng tawad:
“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Diyos. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. 5Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin. 6Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.
7“Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo. 8Panginoon, kami ay talagang kahiya-hiya, pati ang aming hari, mga pinuno, at matatanda dahil kami ay nagkasala sa inyo. 9Ngunit maawain pa rin kayo, Panginoon naming Diyos, at mapagpatawad kahit na sumuway kami sa inyo. 10Hindi kami sumunod sa inyo Panginoon naming Diyos at hindi namin sinunod ang mga utos na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11Ang lahat ng Israelita ay sumuway sa inyong Kautusan; ayaw nilang sundin ang mga sinabi ninyo.
“At dahil sa aming pagkakasala, dumating sa amin ang sumpa na nakasulat sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. 12Tinupad po ninyo ang inyong sinabi laban sa amin at sa aming mga pinuno na kami ay inyong parurusahan nang matindi. Kaya ang nangyari sa Jerusalem ay walang katulad sa buong mundo. 13Dumating sa amin ang parusang ito ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Ngunit sa kabila nito, hindi namin sinikap na malugod kayo sa amin, Panginoon naming Diyos, sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming mga kasalanan at ang pagkilala sa inyong katotohanan. 14Kaya hindi nag-atubili ang Panginoon naming Diyos na parusahan kami; sapagkat ang Panginoon naming Diyos ay palaging matuwid sa kanyang mga ginagawa. Ngunit hindi pa rin kami sumunod sa inyo.
15“Panginoon naming Diyos, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Ehipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan. 16Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal#9:16 banal: O pinili. na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.
17“Kaya ngayon, O Diyos, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli ninyong itayo ang inyong Templong#9:17 muli ninyong itayo ang inyong templo: Sa literal, paliwanagin nʼyong muli ang inyong mukha sa inyong templo. nagiba at napabayaan. 18O Diyos, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin. 19Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Diyos sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”
Ang Pitumpung “Pito”
20Habang akoʼy nagsasalita at nananalangin at ipinapahayag ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Diyos alang-alang sa kanyang banal na bundok. 21At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.#9:21 panghapong paghahandog: Ginagawa ito paglubog ng araw. 22Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain. 23Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Diyos, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Diyos. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.
24“Isang yugto ng pitumpung pito#9:24 Isang yugto ng pitumpung pito: Sa literal, pitong 70. ang itinakda ng Diyos sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo upang tigilan nila ang pagrerebelde sa Diyos, upang mapatawad ang kanilang kasalanan, upang mapairal ng Diyos ang walang hanggang katuwiran, upang matupad ang pangitain at propesiya, at upang maihandog na muli ang Pinakabanal na Lugar.
25“Dapat mong malaman at maintindihan na mula sa panahong iniutos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas muna ang apatnapuʼt siyam na taon.#9:25 apatnapuʼt siyam na taon: Sa literal, pitong pito. At sa loob ng 434 na taon#9:25 434 na taon: Sa literal, pitong 62. ay muling itatayo ang Jerusalem na may mga plasa at tanggulan. Magiging magulo sa panahong iyon. 26Pagkatapos ng 434 na taon, papatayin ang pinunong hinirang ng Diyos at walang tutulong sa kanya.#9:26 at walang tutulong sa kanya: O walang matitira sa kanya. Darating ang isang hari at sisirain ng mga tauhan niya ang bayan at ang templo. At ayon sa itinakda ng Diyos, ang pagwasak at digmaan ay magpapatuloy hanggang sa katapusan. Ang katapusan ay darating na parang baha. 27Ang haring iyon ay gagawa ng matibay na kasunduan sa napakaraming tao sa loob ng pitong taon. Ngunit pagkatapos ng tatloʼt kalahating taon, patitigilin niya ang mga paghahandog at ilalagay niya ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pagpapabaya sa Templo. Mananatili ito roon hanggang sa dumating ang katapusan ng hari na itinakda ng Diyos.”

Kasalukuyang Napili:

Daniel 9: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in