Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 2

2
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
1Noong pangalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip na bumabagabag sa kanya, kaya hindi siya makatulog. 2Ipinatawag ng hari ang kanyang mga salamangkero, engkantador, mangkukulam, at mga astrologo#2:2 astrologo: Sa literal, Caldeo. upang ipaliwanag nila ang kanyang mga panaginip. 3Sinabi ng hari sa kanila, “Nanaginip ako at binabagabag ako nito, kaya ipinatawag ko kayo dahil gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon.”
4Sumagot ang mga astrologo sa hari sa wikang Arameo#2:4 Wikang Arameo ang ginamit mula sa talatang ito hanggang sa katapusan ng kabanata 7., “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin na inyong mga lingkod ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”
5Sinabi ng hari sa mga taga-Caldeo, “Ito ang aking napagpasyahan: Kung hindi ninyo mahulaan ang aking panaginip at ang kahulugan nito, pagpuputol-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay. 6Kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip at maipaliwanag ang kahulugan nito, gagantimpalaan ko kayo at bibigyan pa ng malaking karangalan. Sige, hulaan na ninyo at ipaliwanag ang kahulugan nito.”
7Muli silang sumagot sa hari, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”
8Sinabi ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil alam ninyong gagawin ko ang sinabi ko sa inyo, 9na kung hindi ninyo mahulaan at maipaliwanag ang aking panaginip, paparusahan ko kayo katulad ng sinabi ko. Nagkasundo kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Hulaan na ninyo kung ano ang aking panaginip upang maniwala ako na marunong talaga kayong magpaliwanag ng kahulugan nito.”
10Sumagot ang mga taga-Caldeo sa hari, “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. Wala pang hari ang nag-utos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. 11Napakahirap ng inyong hinihingi, Mahal na Hari. Ang mga diyos lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao.”
12Dahil sa sagot nilang ito, galit na galit ang hari. At nag-utos siyang patayin ang lahat ng marurunong#2:12 marurunong: Mga taong katulad ng nabanggit sa talata 2|DAN 2:2. na mga tao sa Babilonia. 13Nang inilabas na ang utos ng hari na patayin ang mga marurunong, hinanap si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin din.
14Kaya nakipag-usap si Daniel kay Arioc na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari na siyang inutusan na patayin ang mga marurunong sa Babilonia. 15Maingat na nagtanong si Daniel sa kanya kung ano ang dahilan ng napakabigat na utos ng hari. Kaya sinabi sa kanya ni Arioc ang nangyari.
16Pagkatapos, pumunta si Daniel sa hari at hiniling niya na bigyan siya ng panahong maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nito. 17Pumayag naman ang hari, kaya umuwi si Daniel at ibinalita sa kanyang mga kasamahang sina Hananias, Misael at Azarias ang tungkol sa nangyari. 18Hiniling niya sa mga ito na manalangin upang kaawaan sila ng Diyos sa langit#2:18 Diyos sa langit: O Diyos na nasa langit o kayaʼy Diyos na lumikha ng langit o Diyos na higit sa lahat. at upang malaman nila ang kahulugan ng panaginip ng hari, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay hindi patayin kasama ng iba pang marurunong na tao sa Babilonia. 19Nang gabing iyon, ipinahayag ng Diyos kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pangitain. At pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit. 20Sinabi niya,
“Purihin ang Diyos magpakailanman.
Siya ay matalino at makapangyarihan.
21Siya ang nagbabago ng panahon.
Siya ang nagpapasya
kung sino ang maghahari
at siya rin ang nag-aalis
sa kanila sa trono.
Siya ang nagbibigay
ng karunungan sa marurunong.
22Ipinapaliwanag niya
ang mahihiwagang bagay
na mahirap intindihin.
Nasa kanya ang liwanag,
at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman.
23O Diyos ng aking mga ninuno,
pinupuri ko kayo at pinapasalamatan.
Kayo ang nagbigay sa akin
ng karunungan at kakayahan.
At ibinigay nʼyo sa amin
ang aming kahilingan sa inyo
na ipahayag sa amin
ang panaginip ng hari.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
24Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc na inutusan ng hari upang patayin ang mga marurunong na tao sa Babilonia. Sinabi ni Daniel sa kanya, “Huwag mo muna silang patayin; dalhin mo muna ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”
25Kaya dali-daling dinala ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi ni Arioc, “Mahal na Hari, may nahanap po akong bihag mula sa Juda na makapagpapaliwanag ng inyong panaginip.”
26Tinanong ng hari si Daniel na tinatawag ding Beltesazar, “Talaga bang mahuhulaan mo ang aking panaginip at maipapaliwanag ang kahulugan nito?”
27Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, wala pong sinumang marunong katulad ng mga mangkukulam, engkantador, o manghuhula ang makakapagpaliwanag ng inyong panaginip. 28Ngunit may Diyos sa langit na naghahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag niya sa Haring Nebucadnezar sa panaginip ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon, sasabihin ko po sa inyo ang mga pangitaing nakita ninyo sa inyong panaginip.
29“Habang natutulog po kayo, Mahal na Hari, nanaginip kayo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na tagapagpahayag ng mga mahiwagang bagay. 30At inihayag sa akin ng Diyos ang inyong panaginip hindi dahil mas matalino ako kaysa sa iba kundi upang maipaliwanag ko sa inyo, Mahal na Hari, at maintindihan nʼyo ang gumugulo sa inyong isipan.
31“May nakita ang Mahal na Hari na isang napakalaking rebulto na nakakasilaw. Nakatayo sa inyong harapan ang rebulto at nakakatakot tingnan. 32Yari sa purong ginto ang ulo nito, pilak naman ang mga bisig at dibdib, tanso ang tiyan at hita. 33Yari sa bakal ang kanyang mga binti at ang kanyang mga paa naman ay yari sa bakal at luwad. 34At habang tinitingnan nʼyo po ang rebulto, may batong natipak na hindi kagagawan ng tao. Tumama ito sa mga paa nitong yari sa bakal at luwad, at nawasak ang kanyang mga paa. 35Agad namang nadurog ang buong rebulto na gawa sa bakal, luwad, tanso, pilak at ginto. At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Ngunit ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok na pumuno sa buong mundo.
36“Iyan po ang panaginip nʼyo, at ngayon ipapaliwanag namin sa hari ang kahulugan nito. 37Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Diyos sa langit at binigyan ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at karangalan. 38Ibinigay niya sa inyong kamay ang mga tao, mga hayop at mga ibon sa lahat ng dako. Kayo ang gintong ulo ng imahen.
39“Ang susunod sa inyong kaharian ay mas mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, ang ikatlong kaharian ay ang tansong bahagi ng rebulto, at ang kahariang ito ay maghahari sa buong mundo. 40At ang ikaapat na kaharian ay kasintatag ng bakal. Kung paanong ang bakal ay dumudurog sa lahat, ang kahariang ito ang dudurog sa mga naunang kaharian. 41Ang mga paa na yari sa bakal at luwad na nakita mo ay nangangahulugan na ang kahariang ito ay mahahati. Ngunit mananatili itong malakas, dahil nakita mo na may halong bakal ang luwad. 42Dahil ang mga daliri ng paa ay yari sa bakal at luwad, itoʼy nangangahulugan na ang kahariang ito ay may bahaging matibay at may bahaging mahina. 43Kung paanong nakita mo na pinaghalo ang bakal at luwad, ganoon ding paghahaluin ang mga lahi sa pamamagitan ng pag-aasawa. Ngunit hindi sila magkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin.
44“Sa panahon ng mga haring ito, ang Diyos sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman. 45Katulad ito ng iyong nakitang tipak na bato mula sa bundok na hindi kagagawan ng tao na dumurog sa rebultong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto.
“Mahal na Hari, ipinahayag po sa inyo ng Diyos na Makapangyarihan kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Iyon ang panaginip nʼyo at ang kahulugan nito. Totoo po ang lahat ng sinabi ko.”
46Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar upang parangalan si Daniel. Pagkatapos, nag-utos siyang maghandog at magsunog ng insenso kay Daniel. 47Sinabi niya kay Daniel, “Dahil sa ipinahayag mo ang panaginip ko at ang kahulugan nito, totoo na ang iyong Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng diyos. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng mga hari. At siya lamang ang nakakapagpahayag ng mga hiwaga.”
48Pagkatapos, binigyan ng hari si Daniel ng maraming magagandang regalo. Ginawa siyang tagapamahala ng buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng marurunong doon. 49Hiniling ni Daniel sa hari na italaga sina Shadrac, Meshac, at Abednego bilang katulong niya sa pamamahala ng lalawigan ng Babilonia. Pumayag naman ang hari. At namalagi si Daniel sa palasyo ng hari.

Kasalukuyang Napili:

Daniel 2: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in