7
Ang Pangako ng Panginoon kay David
(1~Cro. 17:1‑15)
1Noong nakatira na si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. 2Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Diyos ay nasa tolda lang.”
3Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.”
4Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan,
5“Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ng Panginoon: Ikaw ba ang magpapatayo ng bahay na titirhan ko? 6Mula nang ilabas ko ang mga Israelita sa Ehipto, hindi pa ako tumitira sa isang permanenteng tahanan kundi sa tolda lamang na palipat-lipat. 7Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, kailanmaʼy hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na kumbagaʼy pastol nila. Hindi ko sila tinanong kung bakit hindi nila ako ipinagtatayo ng bahay na gawa sa sedro.’
8“Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 9Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala nang kalaban na sasalakay sa iyo.
“ ‘Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. 12Kapag namatay ka na at inilibing kasama ng iyong mga ninuno, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 13Siya ang magpapatayo ng bahay para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 14Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 15Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari. 16Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ”
17Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Diyos sa kanya.
Ang Panalangin ni David
(1~Cro. 17:16‑27)
18Pagkatapos, pumasok si Haring David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon, at nanalangin,
“O Makapangyarihang Panginoon, sino po ako at ang pamilya ko para pagpalain nʼyo nang ganito? 19At ngayon, Makapangyarihang Panginoon, may pangako rin kayo tungkol sa kinabukasan ng angkan ko. Ganito po ba talaga kayo makitungo sa tao?
20“Ano pa po ba ang masasabi ko sa inyo, Makapangyarihang Panginoon? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 21Ayon sa pangako nʼyo at kalooban, ginawa nʼyo po ang mga dakilang bagay na ito at inihayag nʼyo sa akin na inyong lingkod.
22“Tunay na napakadakila ninyo, Makapangyarihang Panginoon. Wala po kayong katulad. Walang ibang Diyos maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na diyos na gaya ninyo. 23At wala ring katulad ang inyong mga mamamayang Israelita. Ito lamang ang bansa sa mundo na inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mga mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa dakila at kamangha-manghang ginawa ninyo. Itinaboy nʼyo ang mga bansa at ang mga diyos nila sa pamamagitan ng mga mamamayan nʼyo nang inilabas nʼyo sila sa Ehipto. 24Itinatag nʼyo ang Israel bilang sarili nʼyong mga mamamayan magpakailanman, at kayo Panginoon, ang kanilang naging Diyos.
25-26“At ngayon, Panginoong Diyos, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa angkan ko, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel!’ At ang sambahayan ko ay patuloy na maglilingkod sa inyo magpakailanman.
27“Panginoon ng mga Hukbo, Diyos ng Israel, malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito dahil ipinahayag nʼyo sa akin na inyong lingkod, na patuloy na manggagaling sa aking angkan ang magiging hari ng Israel. 28Makapangyarihang Panginoon, tunay ngang kayo ang Diyos! Ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod ang mabubuting bagay na ito, at tapat kayo sa mga pangako ninyo. 29Nawa poʼy ikalugod nʼyo na pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy silang manahan sa inyong presensya magpakailanman, dahil ito po ang ipinangako ninyo, O Makapangyarihang Panginoon. At sa pagpapala ninyong ito, pinagpala ang aking angkan, magpakailanman.”