Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Pedro 1

1
1Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Hesu-Kristo,
Sa mga tulad naming tumanggap ng napakahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo:
2Sumainyo nawa ang nag-uumapaw na biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Diyos at Panginoong Hesus.
Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos
3Ang kapangyarihan ng Diyos ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin upang makapamuhay tayong may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. 4At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito upang makabahagi tayo sa kabanalan ng Diyos at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito.
5Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; 6sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; 7sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Kristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Kristo, ang pag-ibig sa lahat. 8Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Hesu-Kristo. 9Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Diyos sa dati nilang mga kasalanan.
10Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Kristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Diyos. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.
Ang Kasulatang Naipahayag
12Kaya palagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako#1:13 Sa literal, habang akoʼy nasa toldang ito. Ang tolda ay kumakatawan sa pisikal na katawan ng tao., 14dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Hesu-Kristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15Kaya gagawin ko ang lahat upang matiyak kong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.
16Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Hesu-Kristo ay hindi kuwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17Sapagkat nang parangalan at papurihan si Hesu-Kristo ng Diyos Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Diyos na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”#1:17 Mat. 17:5; Mar. 9:7; Luc. 9:35. 18Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Hesus doon sa banal na bundok.
19Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo. 20Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na walang propesiya sa Kasulatan ang nanggaling sa sariling pang-unawa ng mga propetang naghayag nito. 21Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila para sabihin ang salita ng Diyos.

Kasalukuyang Napili:

2 Pedro 1: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in