Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Hari 19

19
Humingi ng Payo si Haring Ezequias kay Isaias
(Isa. 37:1‑7)
1Nang marinig ni Haring Ezequias ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot siya ng sako at pumunta siya sa Templo ng Panginoon. 2Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari. Nakadamit silang lahat ng sako. 3Sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni Haring Ezequias: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala nang lakas para iluwal ang sanggol. 4Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Diyos na buháy. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Diyos ang lahat na sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”
5Nang naipaalam na ng mga opisyal ni Haring Ezequias ang mensahe kay Isaias, 6sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria. 7Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.’ ”
Muling Nagbanta ang Asiria
(Isa. 37:8‑20)
8Nang marinig ng kumander na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon.
9Nang makatanggap ng balita si Haring Senaquerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia,#19:9 Etiopia: Sa Hebreo, Cush. nagsugo siya ng mga mensahero kay Ezequias para sabihin ito: 10“Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Diyos kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria.’ 11Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka? 12Nailigtas ba ang mga bansang ito ng diyos nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko. 13May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?”
Ang Panalangin ni Haring Ezequias
14Kinuha ni Ezequias ang sulat mula sa mensahero at binasa niya ito. Pumunta siya sa Templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon. 15Pagkatapos, nanalangin siya, “Panginoon, Diyos ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Diyos na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang langit at lupa. 16Panginoon, pakinggan nʼyo po at tingnan ang mga nangyayari. O Diyos na buháy, narinig nʼyo ang mga sinabi ni Senaquerib na paglapastangan sa inyo. 17Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming bansa. 18Winasak nila ang mga diyos-diyosan nila sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong diyos kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao. 19Kaya, Panginoon naming Diyos, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Diyos.”
Ang Paglipol kay Senaquerib
(Isa. 37:21‑38)
20Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Ezequias ng ganito, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Narinig ko ang panalangin mo tungkol kay Haring Senaquerib ng Asiria. 21Ito ang sinabi ko laban sa kanya:
‘Pinagtatawanan at iniinsulto ka
ng mga naninirahan sa Zion,#19:21 Zion: Sa Hebreo, birhen na anak na babae ng Zion … anak na babae ng Jerusalem.
ang lungsod ng Jerusalem.
Umiiling-iling sila sa paghamak
sa iyo habang nakatalikod ka.
22Sino ba ang hinahamak
at nilalapastangan mo?
Sino ang pinagtataasan mo ng boses
at pinagyayabangan mo?
Hindi baʼt ako,
ang Banal na Diyos ng Israel?
23Kinutya mo ako, na Panginoon,
sa pamamagitan ng iyong mga sugo.
Sinabi mo pa,
“Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe
naakyat ko ang matataas na bundok
pati na ang tuktok ng bundok ng Lebanon.
Pinutol ko ang pinakamataas
na mga puno ng sedro at natatanging sipres nito.
Nakarating ako sa tuktok nito
na may makapal na kagubatan.
24Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar
at uminom ng tubig mula rito.
Sa pagdaan ko,
natuyo ang mga sapa sa Ehipto.”
25“ ‘Totoo ngang winasak mo
ang mga napapaderang lungsod.
Pero hindi mo ba alam na matagal ko
nang itinakda iyon?
Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon,
ginagawa ko na ito.
26Ang mga mamamayan ay nawalan ng lakas.
Natakot sila at napahiya.
Para silang mga damo sa parang
na madaling malanta,
o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay
na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.
27Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,
kung saan ka nananatili, kung saan ka galing,
kung saan ka pupunta,
at kung gaano katindi ang galit mo sa akin.
28Dahil narinig ko ang galit mo
at ang pagmamayabang sa akin,
lalagyan ko ng kawit ang ilong mo,
at bubusalan ko ang bibig mo,
at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan,
sa daan na iyong tinahak.’ ”
29Sinabi pa ni Isaias kay Ezequias, “Ito ang palatandaan para saʼyo, Ezequias:
Sa taóng ito, ang mga bunga ng mga tanim
na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo,
at sa susunod na taon ang mga bunga naman
ng mga tanim na tumubo mula sa dating tanim.
Ngunit sa ikatlong taon,
makakapagtanim na kayo at makakaani.
Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas
at makakakain ng mga bunga nito.
30At ang mga natirang buháy sa Juda
ay muling uunlad,
katulad ng tanim na nagkakaugat
nang malalim at namumunga.
31Sapagkat may mga matitirang buháy
na mangangalat mula sa Jerusalem,
sa Bundok ng Zion.
Titiyakin ng Panginoon ng mga Hukbo
na itoʼy magaganap.
32“Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito. 33Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi siya makakapasok sa lungsod na ito. 34Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil kay David na aking lingkod.”
35Kinagabihan, pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay. 36Dahil dito, umuwi si Senaquerib na hari ng Asiria sa Nineve at doon na tumira.
37Isang araw, habang sumasamba si Senaquerib sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Hari 19: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in