2 Mga Taga-Corinto 5
5
Ang Bagong Katawan
1Sapagkat alam nating kapag masisira ang toldang tinitirhan natin dito sa lupa, ang ating katawang panlupa, may bahay naman tayo sa langit na ginawa mismo ng Diyos at hindi ng tao. Ito ang ating katawang panlangit na hindi masisira magpakailanman. 2Samantala, dumaraing tayo ngayon sa ating katawang panlupa at nananabik madamitan ng ating katawang panlangit. 3Sapagkat kapag nadamitan tayo nito, hindi tayo matatagpuang hubad. 4Habang gamit pa natin ang ating katawang panlupa, dumadaing tayo at nahihirapan, hindi dahil sa gusto na nating mamatay kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan. Sa ganitong paraan, mapapalitan na ang katawan nating namamatay ng hindi namamatay. 5Ang Diyos na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu.
6Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam naming habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. 7Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. 8Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. 9Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Diyos sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10Sapagkat haharap tayong lahat kay Kristo upang hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Nakabalik Tayo sa Diyos dahil kay Kristo
11Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat upang mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12Hindi dahil sa ipinagmamalaki na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, upang may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Diyos. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan. 14Sapagkat ang pag-ibig ni Kristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Kristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15Namatay siya para sa lahat, upang ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.
16Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Diyos. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Kristo, ngunit hindi na ngayon. 17Ang sinumang nakay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. 18Ang lahat ng itoʼy gawa ng Diyos na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Kristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya. 19Pinapanumbalik ng Diyos ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Kristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaang magpahayag ng mensaheng ito. 20Kaya nga, mga sugo kami ni Kristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Diyos sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya. 21Kailanmaʼy hindi nagkasala si Kristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan upang sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Diyos.
Kasalukuyang Napili:
2 Mga Taga-Corinto 5: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.