10
Ang Sagot ni Pablo sa mga Kumakalaban sa Kanya
1Tulad ng kababaang-loob at kabutihan ni Kristo, akong si Pablo ay nakikiusap sa inyo. Ako raw ay matapang lamang kapag malayo sa inyo ngunit maamo naman kapag kaharap na. 2Nakikiusap ako na huwag sana ninyo akong piliting magpakita ng tapang pagdating ko diyan. Sapagkat handa akong harapin ang nagsasabi sa inyong makamundo raw ang pamumuhay namin. 3Kahit na namumuhay kami rito sa mundo, hindi kami nakikipaglaban sa mga kumokontra sa katotohanan nang ayon sa pamamaraan ng mundo. 4-5Sa halip, ang kapangyarihan ng Diyos ang aming sandata. Ito ang aming ginagamit na panlaban sa mga maling pangangatwiran ng mga taong mapagmataas at ayaw maniwala sa mga turo ng Diyos. Sinisira namin ang kanilang maling pangangatwirang tulad ng matibay na pader na humahadlang sa kanila na makilala ang Diyos. Binibihag namin ang bawat isipan upang sumunod sa mga utos ni Kristo. 6At kung matiyak naming lubos na kayong masunurin, paparusahan na namin ang lahat ng suwail.
7Ang problema sa inyo, tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Kristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Kristo rin. 8Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago ng inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. 9Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10Sapagkat sinasabi ng iba, “Mabibigat at matitindi ang kanyang mga salitang isinulat, pero sa personal ay mahina siya at walang kuwenta ang mga sinasabi.” 11Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, iyon din ang gagawin namin kapag dumating na kami diyan.
12Hindi namin ibinibilang o ikinukumpara ang aming sarili sa mga ibang mataas ang tingin sa sarili. Mga hangal sila, dahil sinusukat nila at kinukumpara ang kani-kanilang sarili. 13Ngunit hindi kami nagmamalaki sa mga gawaing hindi na namin sakop, kundi sa mga gawain lamang na ibinigay sa amin ng Diyos, at kasama na rito ang gawain namin sa inyo. 14Kung hindi kami nakarating diyan, maaari nilang sabihing labis-labis ang aming pagmamalaki. Ngunit ang totoo, kami ang unang dumating sa inyo at nangaral ng Magandang Balita tungkol kay Kristo. 15Kaya hindi labis ang aming pagmamalaki dahil hindi namin inaangkin at ipinagmamalaki ang pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kaming sa paglago ninyo sa pananampalataya ay lalawak pa ang gawain namin sa inyo, ayon sa ipinapagawa sa amin ng Diyos. 16Pagkatapos, maipapangaral naman namin ang Magandang Balita sa iba pang mga lugar na malayo sa inyo. Sapagkat ayaw naming angkinin at ipagmalaki ang pinaghirapan ng iba. 17Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Kung mayroong nais magmalaki, ang Panginoon na lang ang ipagmalaki niya.”#10:17 Jer. 9:24. 18Sapagkat hindi ang taong pumupuri sa kanyang sarili ang katanggap-tanggap, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.