35
Ipinagdiwang ni Josias ang Pista ng Paglampas ng Anghel
(2~Hari 23:21‑23)
1Nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josias ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito. 2Binigyan ni Josias ang mga pari ng kanilang tungkulin sa Templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod. 3Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa Templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Diyos at sa mga mamamayan niyang Israelita. 4Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa Templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon.
5“Pumwesto kayo sa Templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo. 6Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”
7Personal na nagbigay si Josias ng tatlumpung libong tupa at kambing at tatlong libong baka para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.
8Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josias sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng Templo ng Diyos na sina Hilkias, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at tatlong daang baka bilang handog sa pista. 9Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conanias, ang kanyang mga kapatid na sina Semaias at Natanael, si Hashabias, Jeiel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng limang libong tupa at kambing, at limandaang baka bilang handog sa pista.
10Nang handa na ang lahat para sa pista, pumuwesto ang mga pari at mga Levita sa Templo, ayon sa gawain ng kani-kanilang grupo, dahil sa utos ng hari. 11Kinatay ng mga Levita ang mga tupaʼt kambing, at ibinigay ang dugo sa mga pari. Iwinisik ito ng mga pari sa altar habang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop. 12Pagkatapos, ipinamahagi nila sa mga tao, ayon sa grupo ng kanilang mga pamilya, ang mga handog na sinusunog upang ihandog sa Panginoon, ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga baka. 13At nilitson nila ang mga hayop na pampista, ayon sa nakasulat sa kautusan, at inilaga ang banal na mga handog sa mga palayok, mga kaldero, at mga kawali, at ipinamahagi agad nila sa mga tao. 14Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanilang sarili at sa mga pari, dahil ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay abala sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at ng mga taba ng hayop hanggang magtakip-silim.
15Ang mga musikero na mula sa angkan ni Asaf ay naroon sa kanilang puwesto, ayon sa tuntunin na ibinigay nina David, Asaf, Heman at Jedutun na propeta ng hari. Ang mga tagapagbantay ng bawat pintuan ay hindi na umalis sa kinalalagyan nila dahil ang kapwa nila Levita ang siyang naghanda ng kanilang pagkain.
16Nang araw ding iyon, natapos ang buong seremonya para sa Pista ng Paglampas ng Anghel na ipinagdiwang para sa Panginoon, pati ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog na iniutos ni Haring Josias. 17Ipinagdiwang ng mga Israelitang dumalo sa pistang ito at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. 18Mula nang panahon ni Samuel, hindi naipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel na tulad nito. Hindi nakapagdiwang ang mga nakalipas na mga hari gaya ng pagdiriwang ni Haring Josias at ng mga pari, mga Levita, mga mamamayan ng Jerusalem, at ng mga mamamayan ng Juda at Israel. 19Ipinagdiwang ang pista noong ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias.
Ang Pagkamatay ni Josias
(2~Hari 23:28‑30)
20Pagkatapos ng mga ginawa ni Josias para sa Templo, pinangunahan ni Haring Neco ng Ehipto ang kanyang mga sundalo sa pakikipaglaban doon sa Carquemis sa may Ilog Eufrates. Pumunta roon si Josias at ang kanyang mga sundalo upang makipaglaban kay Neco. 21Ngunit nagsugo si Neco ng mga mensahero kay Josias at sinabi, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa, Haring Josias? Hindi ikaw ang nilulusob ko kundi ang bansang nakikipaglaban sa akin. At sinabi ng Diyos sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Diyos, kaya huwag mo akong kalabanin, dahil baka wasakin ka niya.”
22Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Sa halip, nagbalat-kayo siya at umalis upang labanan si Neco sa kapatagan ng Megido.
23Pinana si Josias ng mga kalaban at nasugatan siya. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Ilayo nʼyo ako rito, dahil malubha ang sugat ko.” 24Kaya kinuha nila siya at inilipat sa isa pa niyang karwahe at dinala sa Jerusalem. Namatay siya roon at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya. Nagluksa para sa kanya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem.
25Gumawa si Jeremias ng mga awit ng pagluluksa para kay Josias, at hanggang ngayon inaawit ito ng mga mang-aawit sa pag-alaala sa kanya. Ang mga awit ng pagluluksa ay palaging inaawit sa Israel, at nakasulat sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Josias at ang tungkol sa pagmamahal niya sa Panginoon na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ng Panginoon 27mula sa simula hanggang sa wakas ay nakasulat lahat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda.