15
Itinakwil ng Panginoon si Saul Bilang Hari
1Sinabi ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako noon ng Panginoon para pahiran ka ng langis at ipakita sa mga mamamayan ng Israel na ikaw ang pinili niyang hari. Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon. 2Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ‘Parurusahan ko ang mga Amalekita dahil sa pagsalakay nila sa mga Israelita nang inilabas ko sila sa Ehipto. 3Salakayin ninyo ang mga Amalekita. Lipulin ninyo nang lubusan ang lahat ng naroroon. Patayin ninyo silang lahat, mga lalaki, babae, bata at mga sanggol, pati na rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at mga asno.’ ”
4Kaya tinipon ni Saul ang mga sundalo sa Telaim. Nang bilangin niya ang mga ito, 200,000 sundalo lahat at bukod pa rito ang sampung libong sundalo mula sa Juda. 5Pinangunahan sila ni Saul papunta sa lungsod ng Amalek at naghintay sa natuyong ilog para sumalakay. 6Nagpasabi siya sa mga Cineo, “Lumayo kayo sa mga Amalekita para hindi kayo mamatay kasama nila. Naging mabuti kayo sa lahat ng mga Israelita nang lumabas sila sa Ehipto.” Kaya lumayo ang mga Cineo sa mga Amalekita.
7Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur, sa gawing silangan ng Ehipto. 8Binihag niya si Agag na hari ng mga Amalekita, at nilipol nila ang lahat ng nasasakupan nito. 9Hindi ipinapatay ni Saul ang hari gayundin ang mga pinakamalusog na tupa at baka pati ang mga anak ng mga nito. Itinira nila ang lahat ng may pakinabang, ngunit ang lahat ng walang halaga ay nilipol nila nang lubusan.
10Sinabi ng Panginoon kay Samuel, 11“Nalulungkot ako na ginawa kong hari si Saul dahil tinalikuran niya ako at hindi sinunod ang utos ko.” Nang marinig ito ni Samuel, labis siyang nabagabag, at nanalangin siya sa Panginoon nang buong magdamag.
12Kinabukasan, maagang bumangon si Samuel at lumakad para makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya, “Pumunta si Saul sa Carmel para magpatayo roon ng monumento para sa kanyang karangalan, at pagkatapos ay pumunta siya sa Gilgal.”
13Pinuntahan ni Samuel si Saul at nang magkita sila, binati siya ni Saul, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon! Sinunod ko ang mga utos ng Panginoon.”
14Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung totoong sinunod mo ang utos ng Panginoon, bakit may naririnig akong ingay ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15Sumagot si Saul, “Ang mga iyon ay ang pinakamagandang tupa at mga baka, dala ng mga sundalo galing sa mga Amalekita. Hindi nila pinatay dahil iaalay nila sa Panginoon na iyong Diyos, pero maliban sa mga iyon, pinatay namin ang lahat.”
16Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka na! Pakinggan mo ang sinabi ng Panginoon sa akin kagabi.”
“Ano iyon?” Tanong ni Saul.
17Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa iyong sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel. 18Inutusan ka niyang isagawa ang isang pakay, sinabi niya, ‘Humayo ka at ubusin mo ang mga Amalekita dahil silaʼy mga masasamang tao; labanan mo sila hanggang sa maubos silang lahat.’ 19Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”
20Sumagot si Saul, “Sinunod ko naman ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga taong nasasakupan niya. 21Kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagagandang tupa at baka mula sa mga nasamsam sa digmaan. Dinala nila ang mga ito para ihandog sa Panginoon na iyong Diyos sa Gilgal.”
22Ngunit sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa. 23Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng uloʼy kasinsamá ng pagsamba sa mga diyos-diyosan. Dahil sa sinuway mo ang salita ng Panginoon, itinakwil ka na niya bilang hari.”
24Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako; hindi ko sinunod ang mga turo mo at ang utos ng Panginoon. Natakot ako sa mga tao, kaya sinunod ko ang gusto nilang mangyari. 25Nagmamakaawa ako sa iyo na patawarin mo ako sa mga kasalanan ko at samahan mo ako sa pagsamba sa Panginoon.”
26Ngunit sinabi ni Samuel sa kanya, “Hindi ako sasáma sa iyo. Dahil sa pagsuway mo sa utos ng Panginoon, itinakwil ka niya bilang hari ng Israel.”
27Pagtalikod ni Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito. 28Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba – sa isang tao na mas nakahihigit kaysa sa iyo. 29Ang Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi tulad ng tao na pabago-bago ng isip.”
30Sumagot si Saul, “Nagkasala ako! Nakikiusap ako, panatilihin mo ang dangal ko sa harap ng mga tagapamahala ng aking mga mamamayan at ng buong Israel sa pamamagitan ng pagsama sa akin sa pagsamba sa Panginoon na iyong Diyos.” 31Kaya sumáma si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.
32Sinabi ni Samuel, “Dalhin mo sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” Tiwalang-tiwalang lumapit si Agag kay Samuel. Iniisip niyang hindi na siya papatayin.
33Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung paanong maraming ina ang nawalan ng anak dahil sa pagpatay mo, ngayon, mawawalan din ng anak ang iyong ina.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa presensya ng Panginoon sa Gilgal.
34Pagkatapos, bumalik si Samuel sa Rama, at si Saul ay umuwi sa Gibea. 35Mula noon, hindi na nagpakita si Samuel kay Saul hanggang sa mamatay si Samuel. Ngunit nagdalamhati siya para kay Saul. Nalungkot#15:35 Nalungkot: O Nagsisi. ang Panginoon na ginawa niyang hari ng Israel si Saul.