Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 9

9
Nagpakita ang Panginoon kay Solomon
(2~Cro. 7:11‑22)
1Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng Templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, at ng lahat ng iba pang ninais niyang gawin, 2muling nagpakita ang Panginoon gaya ng pagpapakita niya noon sa kanya, sa Gibeon. 3Sinabi sa kanya ng Panginoon:
“Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo sa akin. Pinili ko ang Templong ito na ipinatayo mo, na magsisilbing lugar para sa kaluwalhatian ng aking pangalan, magpakailanman. Palagi ko itong babantayan at iingatan.
4“At ikaw, kung mamumuhay ka nang tapat at matuwid sa aking harapan, gaya ng iyong ama na si David, at gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, 5paghahariin ko sa Israel ang iyong angkan magpakailanman, gaya ng ipinangako ko kay David na iyong ama nang sabihin ko sa kanya, ‘Kailanmaʼy hindi mawawawala sa iyong angkan ang paghahari sa Israel.’
6“Ngunit kung tatalikod kayo o ang inyong mga salin-lahi sa akin at hindi susunod sa mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at sa halip ay maglilingkod at sasamba kayo sa mga diyos-diyosan, 7palalayasin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at itatakwil ko ang Templong ito na hinirang kong lugar para sa kaluwalhatian ng aking pangalan. Kapag nangyari ito, kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao ang Israel. 8Ang nakakamanghang Templong ito ay masisira, at ang lahat ng daraan dito ay magtataka at painsultong sasabihin, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at Templong ito?’ 9Sasagot ang iba, ‘Dahil tinalikuran nila ang Panginoon na kanilang Diyos na naglabas sa kanilang mga ninuno sa Ehipto at naglingkod sila at sumamba sa mga diyos-diyosan. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kapahamakan.’ ”
Ang Iba pang mga Nagawa ni Solomon
(2~Cro. 8:1‑18)
10Matapos na maipatayo ni Solomon ang dalawang gusali, ang Templo ng Panginoon at ang palasyo sa loob ng dalawampung taon, 11ibinigay niya ang dalawampung bayan sa Galilea kay Haring Hiram ng Tiro. Ginawa niya ito dahil tinustusan siya ni Hiram ng lahat ng kahoy na sedro at sipres#9:11 sipres: O “pine tree.” at ng ginto na kanyang kailangan. 12Ngunit nang pumunta si Hiram sa Galilea mula sa Tiro upang tingnan ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Solomon, hindi siya nasiyahan dito. 13Sinabi niya kay Solomon, “Aking kapatid, anong klaseng mga bayan itong ibinigay mo sa akin?” Tinawag ni Hiram ang lupaing iyon na Cabul,#9:13 Cabul: Maaaring ang ibig sabihin nito sa Hebreo, walang halaga. at ganito pa rin ang tawag dito hanggang ngayon. 14Gayunpaman, nagpadala si Hiram kay Haring Solomon ng limang toneladang ginto.
15Ito ang salaysay tungkol sa sapilitang pagpapatrabaho ni Haring Solomon sa mga tao upang maipatayo ang Templo ng Panginoon at ang kanyang palasyo, sa pagpapatibay ng lupain sa bandang silangan ng lungsod, sa pagpapatibay ng pader ng Jerusalem, at sa pagpapatayong muli ng mga lungsod ng Hazor, Megido at Gezer. 16(Nilusob ang Gezer at inagaw ito ng Faraon na hari ng Ehipto. Sinunog niya ito at pinagpapatay ang mga naninirahan dito na mga Cananeo. Ibinigay niya ang lungsod na ito sa kanyang anak na babae bilang regalo sa kasal nito kay Solomon. 17At ipinatayong muli ni Solomon ang Gezer.) Ipinatayo rin niya ang ibabang bahagi ng Bet-horon, 18ang Baalat, ang Tadmor#9:18 Tadmor: O Tamar. na nasa disyerto na sakop ng kanyang lupain, 19at ang lahat ng lungsod na imbakan ng kanyang mga pangangailangan, at mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng ninanais niyang ipatayo sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing nasasakupan niya.
20-21May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ay mga lahi ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Heveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol nang lubusan ng mga Israelita nang sakupin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na magtrabaho, at nananatili silang alipin hanggang ngayon. 22Ngunit hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya silang kanyang mga sundalo, mga opisyal, mga kapitan ng mga sundalo, mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 23Ang 550 sa kanila ay ginawa ni Solomon na mga opisyal na mamamahala sa mga manggagawa ng kanyang mga proyekto.
24Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon, inilipat niya ang kanyang asawa roon mula sa Lungsod ni David. Pagkatapos, pinatambakan niya ng lupa ang mababang bahagi ng lungsod.
25Tatlong beses sa bawat taon, nag-aalay si Solomon ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan doon sa altar na ipinagawa niya para sa Panginoon. Nagsusunog din siya ng mga insenso sa presensya ng Panginoon. Kaya natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng Templo.
26Nagpagawa rin si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber, malapit sa Elat#9:26 Elat: Ito ang nasa tekstong Griego. Sa Hebreo, Elot. na sakop ng Edom, sa baybayin ng Dagat na Pula. 27Nagpadala si Hiram ng mga bihasang mandaragat, kasama ng mga tauhan ni Solomon. 28Naglakbay sila kasama ng mga tauhan ni Solomon papuntang Ofir. At sa pagbalik nila, may dala silang 16 toneladang ginto, at dinala nila ito kay Haring Solomon.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Hari 9: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in