15
Ang Muling Pagkabuhay ni Kristo
1Ngayon mga kapatid, nais kong ipaalala sa inyo ang Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ito ang aral na inyong tinanggap at hanggang ngayon ay inyong pinaninindigan. 2Sa pamamagitan nitoʼy maliligtas kayo kung panghahawakan ninyong mabuti ang mensaheng ipinangaral ko, maliban na lamang kung hindi kayo tunay na nanampalataya sa simula pa lamang.
3Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Kristoʼy namatay para iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. 4Inilibing siya ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan. 5Nagpakita siya kay Pedro, at sa iba pa sa mga Labindalawa. 6Pagkatapos, nagpakita rin siya sa mahigit 500 na mga kapatid na nagkakatipon. Karamihan sa kanilaʼy buháy pa hanggang ngayon, ngunit ang ilan sa kanila ay patay na. 7Nagpakita rin siya kay Santiago, at pagkatapos sa lahat ng apostol. 8At sa kahuli-hulihan ay nagpakita rin siya sa akin. Ang katulad koʼy isang sanggol na ipinanganak nang wala sa panahon.
9Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol at hindi nga ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10Ngunit dahil sa biyaya ng Diyos, akoʼy naging isang apostol. At hindi nasayang ang biyayang ipinagkaloob niya sa akin, dahil higit akong nagpagal kung ihahambing sa ibang mga apostol, bagamaʼt itoʼy sa pamamagitan ng tulong ng Diyos at hindi ng aking sarili lamang. 11Kaya nga, walang pagkakaiba kung sila o ako ang nangangaral. Ang mahalagaʼy iisa ang aming ipinangangaral at iyon din ang inyong pinananaligan.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Kristoʼy muling binuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay ng mga patay? 13Kung totoong walang muling pagkabuhay, itoʼy nangangahulugang kahit si Kristoʼy hindi rin muling binuhay. 14At kung si Kristoʼy hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, maging ang inyong pananampalataya. 15At hindi lamang iyan, lalabas din kaming mga bulaang saksi tungkol sa Diyos dahil ipinapahayag namin na muli niyang binuhay si Kristo. Ngunit kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay, totoo ngang hindi niya muling binuhay si Kristo. 16Sapagkat kung walang muling pagkabuhay ng mga patay, maging si Kristoʼy hindi muling binuhay. 17At kung si Kristo ay hindi muling binuhay, walang silbi ang inyong pananampalataya at hindi pa kayo napapatawad sa inyong mga kasalanan. 18At nangangahulugan din na ang mga mananampalataya kay Kristo na namatay na ay hindi rin naligtas. 19Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay hanggang sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20Ngunit sa katunayan, si Kristo ngaʼy muling binuhay. Siya ang kauna-unahang binuhay bilang katibayan na mayroong muling pagkabuhay ng mga patay.
21Dahil sa isang tao, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao, nagkaroon ng muling pagkabuhay. 22Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Kristo, tayong lahat ay muling bubuhayin. 23Ngunit may nakatakdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang binuhay si Kristo; pagkatapos, ang mga nakay Kristo naman ang muling bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo.
24At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Diyos Ama. 25Sapagkat si Kristoʼy dapat maghari hanggang sa mapasuko ng Diyos ang lahat ng kanyang mga kalaban. 26At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Diyos kay Kristo.#15:27 Tingnan sa Salmo 8:8. Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Diyos na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo. 28At kung magawa na ito, maging si Kristo ay magpapasakop sa Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Diyos ang siyang maghari sa lahat ng bagay, sa lahat ng dako.
29Kung walang muling pagkabuhay ng mga patay, ano ang gagawin ng mga nagpabautismo para sa mga patay? Kung hindi muling bubuhayin ang mga patay kailanman, bakit kailangan pang magpabautismo para sa kanila? 30At bakit pa namin inilalagay sa panganib ang aming mga sarili sa bawat sandali? 31Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito. 32Anoʼng halaga ng pakikipaglaban ko sa mga taong tulad ng mababangis na hayop dito sa Efeso kung wala naman palang muling pagkabuhay? Kung totoong hindi muling bubuhayin ang mga patay,
“Kumain tayoʼt uminom,
dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”#15:32 Isa. 22:13.
33Huwag kayong palilinlang, sapagkat “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.”#15:33 Mula sa makatang Griyego na si Menander. 34Magpakatino kayo at itigil na ang paggawa ng kasalanan. Sinasabi ko ito para mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Diyos.
Ang Katawang Muling Binuhay
35Maaaring may magtanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang matatanggap nila?” 36Mga mangmang! Ang inihahasik na binhi ay hindi mabubuhay hanggaʼt hindi ito namamatay. 37At kahit anong binhi ang itanim mo, trigo man o ibang binhi, magiging iba ang anyo nito kapag tumubo na. 38Ang Diyos ang nagbibigay anyo sa binhing iyon, ayon sa kanyang kalooban. At ang bawat binhi ay may kanya-kanyang anyo kapag tumubo na. 39Gayundin, hindi lahat ng katawan ay pare-pareho: Iba ang katawan ng tao, ng hayop, ng ibon at ng isda. 40Iba din ang anyo ng mga nasa kalangitan at ng mga nasa lupa, at ang bawat isaʼy may kanya-kanyang kagandahan. Ang kagandahan ng anyo ng mga nasa kalangitan ay iba sa kagandahan ng anyo ng mga nasa lupa. 41Iba ang ningning ng araw sa ningning ng buwan, at iba rin naman ang ningning ng mga bituin. At kahit ang mga bituin ay may ibaʼt ibang ningning.
42Ganyan din ang muling pagkabuhay ng mga patay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, hindi na ito mabubulok kailanman. 43Kapag inilibing, itoʼy walang karangalan at walang kakayahan. Ngunit kapag muling binuhay, itoʼy may kaluwalhatian at kapangyarihan. 44Ang katawang inilibing ay pisikal, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy espirituwal na.
Sapagkat kung mayroong katawang pisikal ay mayroon din namang katawang espirituwal. 45Sinasabi sa Kasulatan, “Ang unang tao na si Adan ay binigyan ng buhay.”#15:45 Gen. 2:7. Ngunit ang huling Adan na si Kristo ay espiritung nagbibigay-buhay. 46Hindi ang espirituwal na katawan ang nauna kundi ang pisikal, at pagkatapos noon ay ang espirituwal naman. 47Ang unang tao na si Adan ay mula sa lupa, nilikha mula sa alabok, ngunit ang pangalawang tao na si Kristo ay mula sa langit. 48Katulad ng taong mula sa alabok, ganoon din ang katawan ng mga tao sa lupa at katulad ng taong mula sa langit, ganoon din ang magiging katawan ng mga taong nanampalataya sa kanya. 49Kaya kung paanong ang katawan natin ngayon ay katulad ng kay Adan na mula sa alabok, darating ang araw na ang katawan natin ay magiging katulad ng kay Kristo na mula sa langit.
50Mga kapatid, ito ang gusto kong sabihin: Ang ating katawang binubuo ng laman at dugo ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Ang katawang ito na nabubulok ay hindi maaaring makatanggap ng buhay na walang hanggan. 51Ngunit makinig kayo dahil may sasabihin ako sa inyong isang lihim: Hindi lahat sa atin ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay bibigyan ng bagong katawan 52sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng pagtunog ng huling trumpeta. At sa pagtunog ng trumpetaʼy muling bubuhayin ang mga patay at bibigyan ng katawang hindi nabubulok. At tayong mga nabubuhay pa ay bibigyan din ng bagong katawan. 53Sapagkat itong katawan nating nabubulok at namamatay ay dapat mapalitan ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay. 54At kapag ang katawang ito na nabubulok at namamatay ay napalitan na ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay, matutupad na ang sinasabi ng Kasulatan:
“Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!”#15:54 Isa. 25:8.
55“Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”#15:55 Hos. 13:14.
56May kamandag lamang ang kamatayan sa atin dahil sa kasalanan, at may kapangyarihan ang kasalanan sa atin dahil sa Kautusan. 57Ngunit salamat sa Diyos dahil binigyan niya tayo ng tagumpay sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
58Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo at huwag manghina sa inyong pananampalataya. Maging masigasig kayo sa paggawa para sa gawaing ipinagkatiwala sa inyo ng Panginoon, sapagkat alam ninyong hindi masasayang ang paghihirap para sa kanya.