15
Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan
  1Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod#15:1 kanyang lungsod: Sa Hebreo, Lungsod ni David. para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Diyos, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. 2Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang maaaring magbuhat ng Kahon ng Diyos maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.”
  3Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. 4Ipinatawag din niya ang mga pari#15:4 mga pari: Sa literal, mga angkan ni Aaron. at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:
  5Mula sa mga angkan ni Kohat, isang daan at dalawampu, at pinamumunuan sila ni Uriel.
  6Mula sa mga angkan ni Merari, dalawandaan at dalawampu, at pinamumunuan sila ni Asaias.
  7Mula sa mga angkan ni Gerson,#15:7 Gerson: O Gersom. isang daan at tatlumpu, at pinamumunuan sila ni Joel.
  8Mula sa angkan ni Elizafan, dalawandaan, at pinamumunuan sila ni Semaias.
  9Mula sa mga angkan ni Hebron, walumpu, at pinamumunuan sila ni Eliel.
  10Mula sa mga angkan ni Uziel, isang daan at labindalawa, at pinamumunuan sila ni Aminadab.
  11Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Sadoc at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. 12Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili#15:12 Linisin … sarili: Ang ibig sabihin, sundin nʼyo ang seremonya ng paglilinis. Ganito rin sa talata 14|1CH 15:14. at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, upang madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Diyos dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”
  14Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili upang madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Diyos ng Israel. 15Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Diyos sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
  16Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang.
  17Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; ang kamag-anak nilang si Asaf na anak ni Berequias; at mula sa angkan ni Merari, si Etan na anak ni Cusaias. 18Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias,#15:18 Ang nakasulat sa karamihan sa mga manuskritong Hebreo ay Zacarias anak at o Zacarias, Ben at. Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias, at ang mga tagapagbantay ng pintuan na sina Obed-edom at Jeiel.
  19Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias. 21Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa#15:21 Sa Hebreo, may dagdag na ayon sa Sheminith, na maaring isang terminolohiyang pangmusika. ay sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias. 22Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Quenanias dahil mahusay siyang umawit.
  23Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ay sina Berequias at Elcana. 24Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Diyos ay ang mga pari na sina Sebanias, Josafat, Netanel, Amazias, Zacarias, Benaias at Eliezer. Sina Obed-edom at Jehias ay mga tagapagbantay din sa Kahon.
Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem
(2~Sam. 6:12‑22)
  25Kaya masayang pumunta si David, ang mga pinuno ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26At dahil tinulungan ng Diyos ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27Nagsuot si David ng damit na pinong lino pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon, ang mga mang-aawit, at si Quenanias na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng efod na gawa sa pinong lino. 28At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.
  29Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niya si Haring David na palukso-lukso at sumasayaw sa tuwa at nainis siya nang labis sa hari.