Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Hudyo sa malalayo at sa malalapit na lalawigang nasasakupan ni Haring Asuero. Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Hudyo na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ikalabing-apat at ikalabinlimang araw ng buwan ng Adar. Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo sa isaʼt isa at sa mahihirap.