Lucas 23
23
Dinala si Hesus kay Pilato
(Mat. 27:1‑2; 11:14; Mar. 15:1‑5; Juan 18:28‑38)
1Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Hesus kay Pilato. 2At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Hesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Mesias, na isang hari!”
3Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Hudyo?”
Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.”
4Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakikitang kasalanan sa taong ito!”
5Ngunit mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.”
6Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. 7At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Hesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea.
8Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Hesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Hesus na gumagawa ng himala. 9Marami siyang itinanong kay Hesus, pero hindi ito sumagot. 10Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Hesus. 11Hinamak at ininsulto ni Herodes at ng mga sundalo niya si Hesus. Sinuotan nila siya ng magandang damit bilang pagkutya sa kanya, at saka ibinalik kay Pilato. 12At nang araw ding iyon ay naging magkaibigan ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato.
13Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, 14at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. 15Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Hesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. 16Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.” [ 17Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.]#23:17 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.
18Ngunit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!” 19(Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.)
20Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Hesus. 21Ngunit patuloy ang pagsigaw ng mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
22Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, “Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!”
23Ngunit lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. 24Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Hesus. 25At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Ngunit ibinigay niya si Hesus sa kanila upang gawin ang gusto nila.
Ipinako sa Krus si Hesus
(Mat. 27:32‑44; Mar. 15:21‑32; Juan 19:17‑27)
26Habang dinadala na ng mga sundalo si Hesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cirene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus. 27Sinusundan si Hesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. 28Ngunit lumingon sa kanila si Hesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. 29Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ 30Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’#23:30 Hos. 10:8. 31Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan,#23:31 sa akin na walang kasalanan: Sa literal, sa sariwang kahoy. ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?”#23:31 sa mga taong may kasalanan: Sa literal, sa tuyong kahoy.
32Dalawa pang kriminal ang dinala nila para pataying kasama ni Hesus. 33Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Hesus at ang isa ay sa kaliwa. [ 34Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”]#23:34 Sa ilang naunang manuskrito, wala ang bahaging ito. Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Hesus.
35Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Hesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Mesias na pinili ng Diyos!”
36Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, 37at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang hari ng mga Hudyo, iligtas mo ang iyong sarili!”
38May karatula sa ulunan ni Hesus, at ganito ang nakasulat: Ito ang Hari ng mga Hudyo.
39Ininsulto rin si Hesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!”
40Ngunit sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. 41Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!”
42Pagkatapos ay sinabi niya, “Hesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.”
43Sumagot si Hesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Pagkamatay ni Hesus
(Mat. 27:45‑56; Mar. 15:33‑41; Juan 19:28‑30)
44-45Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati sa dalawa. 46Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyong mga kamay ang aking espiritu!”#23:46 Salmo 31:5. At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga.
47Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” 48Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib sa labis na kalungkutan. 49Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaeng sumáma sa kanya mula sa Galilea, habang pinanonood ang lahat ng nangyari.
Ang Paglilibing kay Hesus
(Mat. 27:57‑61; Mar. 15:42‑47; Juan 19:38‑42)
50-51May isang lalaki roon na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng Sanhedrin, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Hesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. 52Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. 53Ibinaba niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang lino. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. 54Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.
55Sinundan si Jose ng mga babaeng sumáma kay Hesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang bangkay ni Hesus. 56Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Hesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.
Одоогоор Сонгогдсон:
Lucas 23: ASD
Тодруулга
Хуваалцах
Хувилах

Тодруулсан зүйлсээ бүх төхөөрөмждөө хадгалмаар байна уу? Бүртгүүлэх эсвэл нэвтэрнэ үү
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.