Ito ang mga pahayag ni Amos na isa sa mga pastol ng kawan ng tupa sa bayan ng Tekoa. Ang mga pangitaing ito tungkol sa Israel ay ipinakita sa kanya noong panahon na si Uzias ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol.
Sinabi ni Amos:
“Umaatungal ang PANGINOON
mula sa Zion;
dumadagundong ang tinig niya
mula sa Jerusalem.
Dahil dito natutuyo ang mga pastulan
ng mga pastol
at nalalanta ang mga tanim
sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”