Salmo 77:1-20

Salmo 77:1-20 ASD

Tumawag ako nang malakas sa Diyos. Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang pakinggan. Kapag akoʼy nagdurusa, akoʼy nananalangin sa Panginoon. Sa gabi ay nakataas ang aking mga kamay sa pagdarasal, at hindi ako napapagod, ngunit wala pa rin akong kaaliwan. Naalala ko kayo, O Diyos, at akoʼy dumaing; akoʼy nagmuni-muni at para bang akoʼy nawalan na ng pag-asa. Hindi ninyo ako pinatutulog, hindi ko na alam ang aking sasabihin, dahil balisang-balisa ako. Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas. Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako sa gabi. Nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili: “Habang buhay na ba akong itatakwil ng Panginoon? Hindi na ba siya malulugod sa akin? Nawala na ba talaga ang pag-ibig niya para sa akin? Ang kanyang pangako ba ay hindi na niya tutuparin? Nakalimutan na ba niyang maging maawain? Dahil ba sa kanyang galit ay nawala na ang kanyang habag?” At sinabi ko, “Ang pinakamasakit para sa akin ay ang malamang hindi na tumutulong ang Kataas-taasang Diyos.” PANGINOON, aalalahanin ko ang inyong mga gawa. Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon. Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa. O Diyos, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan. Wala nang ibang Diyos na kasindakila ninyo. Kayo ang Diyos na gumagawa ng mga himala. Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan. Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose. Ang mga tubig, O Diyos ay natakot at nanginig, pagkakita sa inyo. Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan, kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan. Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin; ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig. Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon, ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita. Pinatnubayan ninyo ang inyong mga mamamayan na parang kawan, sa pamamagitan nina Moises at Aaron.