Lucas 19
19
Si Hesus at si Zaqueo
1Pumasok at dumaan si Hesus sa Jerico. 2Samantala, may isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. 3Gusto sana niyang makita at makilala si Hesus, ngunit dahil siyaʼy pandak at maraming tao roon ay hindi niya ito magawa. 4Kaya tumakbo siya upang maunahan ang mga tao, at umakyat sa puno ng sikamoro upang makita si Hesus na dadaan doon.
5Pagdaan ni Hesus sa may puno, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad diyan, kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon!” 6Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang dinala si Hesus sa kanyang bahay.
7Nang makita ng mga tao na doon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang makasalanan.”
8Tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya man ako, ibabalik ko sa kanya nang makaapat na beses ang kinuha ko sa kanya.”
9Sinabi sa kanya ni Hesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Alipin
(Mat. 25:14‑30)
11Habang nakikinig ang mga tao, nagkuwento si Hesus sa kanila ng isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang kaharian ng Diyos. 12Sinabi ni Hesus, “May isang maharlika na pumunta sa isang malayong lugar upang mahirang bilang hari, at pagkatapos ay babalik siya sa kanila. 13Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera#19:13 pera: Sa Griyego, mina. Ang isang mina ay katumbas ng humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod.. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’
14“Ngunit ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila.
15“Ngunit ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa.
16“Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’
17“Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’
18“Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo po sa akin ay tumubo ng lima.’
19“Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’
20“Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’#19:21 inaani … itinanim: O kinukuha ninyo ang kita ng iba.
22“Sinabi ng hari, ‘Masamáng alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito nang may tubo?’
24“Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’
25“Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’
26“Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: Ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem
(Mat. 21:1‑11; Mar. 11:1‑11; Juan 12:12‑19)
28Pagkatapos magkuwento ni Hesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang alagad. 30Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon, makikita ninyo ang isang bisirong nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ito ng Panginoon.”
32Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Hesus. 33Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
34Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.”
35Dinala nila ang asno kay Hesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Hesus. 36Habang nakasakay siya sa asno, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya.
37Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at nagpuri nang malakas sa Diyos dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38Sinabi nila,
“Pinagpala ang haring dumarating sa ngalan ng Panginoon!”#19:38 Salmo 118:26.
“Kapayapaan sa langit, at papuri sa Kaitaas-taasan.”
39Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga alagad mo.”
40Ngunit sinagot sila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: Kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”
41Nang malapit na si Hesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya. 42Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Papalibutan nila kayo at lulusubin sa magkakabilang panig. 44Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong, sapagkat binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Diyos.”
Ang Pagmamalasakit ni Hesus sa Templo
(Mat. 21:12‑17; Mar. 11:15‑19; Juan 2:13‑22)
45Pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at pinagtataboy niya ang mga nagtitinda roon. 46Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Diyos sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan.’#19:46 Isa. 56:7. Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!#19:46 Jer. 7:11.”
47Nagtuturo si Hesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48Ngunit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.