Lucas 17

17
Mga Dahilan ng Pagkakasala
(Mat. 18:6‑7, 21‑22; Mar. 9:42)
1Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 2Mas mabuti pang talian na lang siya ng gilingang bato sa leeg at itapon sa dagat, kaysa maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito. 3Kaya mag-ingat kayo.
“Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo. 4Kahit pitong beses pa siyang magkasala saʼyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo pa rin.”
5Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.”
6Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.
7“Halimbawa, may alipin kayong nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’? 8Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’ 9Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin. 10Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”
Pinagaling ang Sampung Lalaking May Sakit sa Balat
11Sa paglalakbay ni Hesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13at sumigaw kay Hesus, “Panginoong Hesus, maawa po kayo sa amin!”
14Nang makita sila ni Hesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat.
15Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Hesus at nagsisigaw ng papuri sa Diyos. 16Lumuhod siya sa harap ni Hesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.
17Sinabi ni Hesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan na ang siyam? 18Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Diyos maliban sa dayuhang ito?” 19Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Pinagaling ka ng pananampalataya mo.”
Ang tungkol sa Paghahari ng Diyos
(Mat. 24:23‑28, 37‑41)
20Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Hesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Diyos. 21Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Diyos!’ o ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Diyos sa mga puso ninyo.”
22Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ang Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari. 23May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasáma sa kanila upang hanapin ako. 24Sapagkat ang Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25Ngunit kailangan muna niyang dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.
26“Kung ano ang ginagawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ng Anak ng Tao. 27Ang mga tao nooʼy nagsisikain, nag-iinuman at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat.
28“Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagsisikain, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay, 29hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodoma. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat.
30“Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ng Anak ng Tao. 31Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay hindi na dapat pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33Sapagkat ang sinumang nagsisikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang mawawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay maililigtas ito. 34Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang natutulog na magkatabi; kukunin ang isa at maiiwan ang isa. 35Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at maiiwan ang isa. [ 36May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at maiiwan ang isa.]#17:36 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.
37Tinanong siya ng mga alagad niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?”
Sumagot siya, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”

目前選定:

Lucas 17: ASD

醒目顯示

分享

複製

None

想在你所有裝置上儲存你的醒目顯示?註冊帳戶或登入