YouVersion Logo
Search Icon

Hosea 2

2
1Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi”#1 AMMI: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Aking Bayan”. at “Ruhama”.#1 RUHAMA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Kinahabagan”.
Ang Taksil na si Gomer—ang Taksil na Israel
2Pakiusapan mo ang iyong ina, pakiusapan mo siya,
sapagkat hindi ko na siya itinuturing na asawa,
at wala na akong kaugnayan sa kanya.
Pakiusapan mo siyang itigil ang pangangalunya,
at tigilan na ang kanyang kataksilan.
3Kung hindi'y huhubaran ko siya
tulad ng isang sanggol na bagong silang;
gagawin ko siyang tulad ng disyerto,
tulad ng isang tigang na lupa,
at hahayaan ko siyang mamatay sa uhaw.
4Hindi ko kakahabagan ang kanyang mga anak,
sapagkat sila ay mga anak sa pagkakasala.
5Ang kanilang ina ay naging taksil na asawa;
at siyang sa kanila'y naglihi ay naging kahiya-hiya.
Sinabi pa nga niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig,
na nagbibigay ng aking pagkain at inumin,
ng aking damit at balabal, langis at alak.”
6Dahil dito, haharangan ko ng mga tinik ang kanyang mga landas;
paliligiran ko siya ng pader,
upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
7Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig,
ngunit sila'y hindi niya maaabutan.
Sila'y kanyang hahanapin,
ngunit hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayon, sasabihin niya,
“Babalik ako sa aking unang asawa,
sapagkat higit na mabuti ang buhay ko sa piling niya noon kaysa kalagayan ko ngayon.”
8Hindi niya kinilalang
ako ang nagbigay sa kanya
ng pagkaing butil, ng alak at ng langis.
Sa akin nanggaling ang pilak
at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal.
9Kaya't babawiin ko
ang pagkaing butil na aking ibinigay
maging ang bagong alak sa kapanahunan nito.
Babawiin ko rin ang mga damit at balabal,
na itinakip ko sa kanyang kahubaran.
10Ngayo'y ilalantad ko ang kanyang kahubaran
sa harapan ng kanyang mga mangingibig,
walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.
11Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang,
ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin,
gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan.
12Sasalantain ko ang kanyang mga ubasan at mga punong igos,
na sinasabi niyang upa sa kanya ng kanyang mga mangingibig.
Lahat ng iyan ay kakainin ng mga hayop,
at masukal na gubat ang kauuwian.
13Paparusahan ko siya dahil sa mga kapistahan, na kanyang ipinagdiwang sa karangalan ni Baal;
nagsunog siya ng insenso sa mga diyus-diyosan,
nagsuot din siya ng mga singsing at alahas,
pagkatapos ay humabol sa kanyang mga mangingibig,
at ako'y kanyang nilimot, sabi ni Yahweh.
Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Kanyang Bayan
14“Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
dadalhin ko sa ilang,
kakausapin nang buong giliw.
15Doon#Jos. 7:24-26. ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan.
Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan,
nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.”
16“At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’ 17Sapagkat ipalilimot ko na sa iyo ang mga pangalan ng mga Baal, at hindi na muling ipababanggit ang mga ito. 18Sa araw na iyon, alang-alang sa iyo, makikipagkasundo ako sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa kalawakan, sa mga nilikhang sa lupa'y gumagapang. Aalisin ko sa lupain ang pana, ang espada at ang digmaan. Upang kayo'y makapagpahingang matiwasay.
19Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel;
mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan,
sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa't isa.
20Ikaw ay magiging tapat kong asawa,
at kikilalanin mong ako nga si Yahweh.”
21“Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh,
“Tutugunin ko ang panalangin ng aking bayan,
magkakaroon ng ulan upang ibuhos sa lupa.
22Sa gayon, sasagana sa lupain ang pagkaing butil, ang alak at ang langis.
Ito naman ang katugunan sa pangangailangan ng Jezreel.
23Sa#Ro. 9:25; 1 Ped. 2:10. panahon ding iyon ay ibabalik ko ang mga Israelita sa kanilang lupain.
Kahahabagan ko si Lo-ruhama,
at sasabihin ko kay Lo-Ammi, ‘Ikaw ang aking Bayan’,
at tutugon naman siya, ‘Ikaw ang aking Diyos.’”

Currently Selected:

Hosea 2: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy