YouVersion Logo
Search Icon

Mga Hebreo 8:1-13

Mga Hebreo 8:1-13 ASD

Ito ang ibig kong sabihin: Mayroon na tayo ngayong punong pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasang Diyos sa langit. Naglilingkod siya doon sa Toldang Sambahan, ang tunay na sambahang ginawa ng Panginoon at hindi ng mga kamay ng tao. Ang bawat punong pari ay itinalagang mag-alay ng mga kaloob at handog, kaya kailangan na may ihandog din ang punong pari natin. Kung nandito pa siya sa lupa, hindi siya maaaring maging pari dahil mayroon nang mga paring nag-aalay ng mga handog ayon sa Kautusan. Silaʼy naglilingkod sa larawan at anino ng Toldang Sambahan na nasa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang Toldang Sambahan, mahigpit siyang pinagbilinan ng Diyos, “Kailangang sundin mo ang disenyong ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Ngunit higit na dakila ang mga gawain ni Hesus bilang punong pari kaysa sa mga gawain ng mga pari, dahil siya ang tagapamagitan ng isang kasunduang higit na mabuti kaysa sa nauna. At nakasalalay ito sa mas mabubuting pangako ng Diyos. Kung walang kakulangan ang unang kasunduan, hindi na sana kailangang palitan pa ng ikalawa. Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng mga taong sumusunod sa unang kasunduan, kaya sinabi niya, “Darating ang panahon, wika ng Panginoon, na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda. Ang kasunduang itoʼy hindi katulad ng ginawa ko sa kanilang mga ninuno, noong silaʼy inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto. Hindi sila naging tapat sa aking kasunduan, kayaʼt silaʼy aking tinalikuran, wika ng Panginoon.” Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang mga kautusan ko, at isusulat ko ang mga ito sa mga puso nila. Ako ang magiging Diyos nila, at sila naman ang magiging bayan ko. Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Dahil kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan at kakalimutan ko na ang kanilang mga kasalanan.” Nang sabihin ng Diyos na may bago nang kasunduan, malinaw na pinawalang-bisa na niya ang nauna, at ang anumang wala nang bisa at luma na ay mawawala na lamang.