YouVersion Logo
Search Icon

Mga Hebreo 7:1-28

Mga Hebreo 7:1-28 ASD

Itong si Melquizedec ay hari noon sa Salem, at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pauwi na si Abraham mula sa pakikipaglaban sa mga haring nilupig niya, sinalubong siya ni Melquizedec at pinagpala. Pagkatapos, ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ang kahulugan ng pangalang Melquizedec ay “hari ng katuwiran”. At dahil hari siya ng Salem, nangangahulugan na siyaʼy “hari ng kapayapaan”. Walang naisulat tungkol sa kanyang ama at ina o maging sa mga ninuno niya. At wala ring naisulat tungkol sa kanyang kapanganakan at kamatayan. Katulad siya ng Anak ng Diyos; ang pagiging pari niyaʼy walang hanggan. Isipin nʼyo na lang kung gaano kadakila si Melquizedec: Kahit na si Abraham na ama ng ating lahi ay nagbigay sa kanya ng ikapu mula sa lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga paring mula sa lahi ni Levi ang siyang tatanggap ng ikapu mula sa mga kapwa nila Hudyo, kahit na nagmula silang lahat kay Abraham. Hindi kabilang si Melquizedec sa lahi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala pa niya si Abraham, ang taong pinangakuan ng Diyos. At alam nating mas mataas ang nagpapala kaysa sa pinagpapala. Kung tungkol sa mga paring mula sa lahi ni Levi na tumatanggap ng ikapu, mga tao lang sila na may kamatayan. Ngunit pinatutunayan ng Kasulatan na si Melquizedec na tumanggap ng ikapu mula kay Abraham ay nananatiling buháy. At masasabi nating kahit si Levi, na ang angkan niya ang tumatanggap ng ikapu, ay nagbigay din ng kanyang ikapu sa pamamagitan ni Abraham. Sapagkat nang magbigay si Abraham kay Melquizedec, masasabi nating si Levi ay nasa katawan pa ng ninuno niyang si Abraham. Alam nating ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa mga Hudyo ay batay sa pagkapari na nanggaling sa lahi ni Levi. Kung makakamtan sa pamamagitan ng mga ginagawa ng mga paring ito ang pagiging matuwid, hindi na sana kakailanganin pa ang ibang pari na katulad ng pagkapari ni Melquizedec, na iba sa pagkapari ni Aaron. At kung papalitan ang pagkapari, kailangan ding palitan ang Kautusan. Ang ating Panginoong Hesus na siyang tinutukoy na ipinalit sa mga pari ay kabilang sa ibang lahi, dahil malinaw na galing siya sa lahi ni Juda at hindi kay Levi. At wala pang naglingkod kahit kailan bilang pari mula sa lahi ni Juda. Sapagkat nang sabihin ni Moises kung sino ang maaaring maging pari, wala siyang sinabi tungkol sa lahi ni Juda. Lalo pang naging malinaw na pinalitan na ang mga paring mula sa lahi ni Levi nang magkaroon ng ibang pari na gaya ni Melquizedec. Naging pari siya, hindi batay sa tuntunin ng kanyang lahi, kundi batay sa makapangyarihan niyang buhay na walang katapusan. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedec.” Kaya nga pinalitan na ng Diyos ang dating tuntunin dahil mahina ito at hindi makakatulong sa atin, sapagkat walang naging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tayo binigyan ngayon ng mas mainam na pag-asa, at sa pamamagitan nitoʼy makakalapit na tayo sa Diyos. Mas mainam ang bagong pag-asang ito dahil may kalakip itong pangako. Hindi nangako ang Diyos nang gawin niyang mga pari ang lahi ni Levi, ngunit nangako siya nang gawin niyang pari si Hesus. Ito ang sinasabi ng Kasulatan: “Ipinangako ng Panginoon na ikaw ay pari magpakailanman. At hindi magbabago ang pasya niya.” Kaya si Hesus ang naging katiyakan natin sa isang mas mabuting kasunduan. Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari. Ngunit si Hesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya. Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. Si Hesus ang punong pari na kailangan natin dahil banal siya at walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas nang higit pa sa kalangitan. Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Hesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. Ang mga itinalagang naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon sa sinumpaan ng Diyos matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Diyos.

Free Reading Plans and Devotionals related to Mga Hebreo 7:1-28