Mga Taga-Roma 3
3
Ang Katapatan ng Diyos
1Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Hudyo? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? 2Totoong nakahihigit ang mga Hudyo sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Diyos.
3Paano kung hindi naging tapat ang iba sa kanilang pagsunod sa Diyos? Nangangahulugan ba iyon na hindi na rin magiging tapat ang Diyos sa pagtupad sa kanyang mga pangako? 4Aba hindi! Sapagkat tapat ang Diyos sa kanyang mga salita, kahit sinungaling pa ang tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:
“Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita,
at laging tama sa iyong paghatol.”#3:4 Salmo 51:4.
5Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Diyos, hindi makatarungan ang Diyos kung parurusahan niya kami. (Ganyan ang pangangatwiran ng mundo.) 6Ngunit maling-mali ʼyan, sapagkat makatarungan ang Diyos. Nararapat lamang na hatulan niya ang sanlibutan!
7Maaari ding may magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Diyos, at dahil dito ay papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” 8Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama upang lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Diyos.
Walang Taong Matuwid
9Ano ngayon ang masasabi natin? Tayo bang mga Hudyo ay nakalalamang sa mga Hentil? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko nang ang lahat ng tao ay makasalanan, Hudyo man o hindi. 10Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:
“Walang matuwid sa paningin ng Diyos,
wala kahit isa;
11Walang nakakaunawa tungkol sa Diyos,
walang nagsisikap na makilala siya.
12Ang lahat ay tumalikod sa Diyos,
at pare-parehong naging walang kabuluhan;
Walang gumagawa ng mabuti,
wala kahit isa.”#3:12 Salmo 14:1‑3; 53:1‑3.
13“Ang kanilang pananalita#3:13 pananalita: Sa literal, lalamunan.
ay hindi masikmura
tulad ng bukas na libingang nakakasuka.
Ang kanilang sinasabiʼy#3:13 sinasabi: Sa literal, dila.
puro pandaraya.”#3:13 Salmo 5:9.
“Parang kamandag ng ahas
ang nasa labi nila.”#3:13 Salmo 140:3.
14“Ang lumalabas sa kanilang bibig
ay panay pagmumura
at masasakit na salita.”#3:14 Salmo 10:7. Ito ay hango sa saling Septuagint.
15“Sa kaunting dahilan lang
ay pumapatay agad sila;
16kapahamakan at hinagpis
ang lagi nilang dala.
17Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa.”#3:17 Isa. 59:7‑8.
18“Walang bahid ng takot sa Diyos
sa kanilang mga mata.”#3:18 Salmo 36:1.
19Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Hudyo na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, upang walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Diyos. 20Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.
Itinuring na Matuwid sa Pamamagitan ng Pananampalataya
21Ngunit ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Diyos na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan at ang isinulat ng mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22Ang taoʼy itinuturing ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu-Kristo. At walang kinikilingan ang Diyos. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Hesu-Kristo ay itinuturing niyang matuwid. 23Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa kaluwalhatian ng Diyos. 24Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Kristo Hesus na siyang tumubos sa atin. 25Isinugo ng Diyos si Kristo Hesus sa mundo upang ialay ang kanyang buhay, nang sa gayoʼy mawala ang galit ng Diyos sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Diyos upang ipakita na siya ay matuwid, sapagkat noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26Ito rin ay upang ipakita sa kasalukuyang panahon na siya ay matuwid. At dahil dito, itinuturing niyang matuwid ang mga makasalanang sumasampalataya kay Hesus.
27Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Hesus. 28Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Diyos na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Kristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29Ang Diyos ba ay Diyos lamang ng mga Hudyo? Hindi baʼt Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siyaʼy Diyos din nila, 30sapagkat iisa lamang ang Diyos, at ituturing niyang matuwid ang sinuman batay sa pananampalataya nito kay Kristo, Hudyo man ito o Hentil. 31Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.
Atualmente Selecionado:
Mga Taga-Roma 3: ASD
Destaque
Compartilhar
Copiar
Quer salvar seus destaques em todos os seus dispositivos? Cadastre-se ou faça o login
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.