1
1Mula kay Pablo na lingkod#1:1 lingkod: Sa literal, alipin. ng Diyos at apostol ni Hesu-Kristo na sinugo upang patibayin ang pananampalataya ng mga pinili ng Diyos, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos. 2Ang katotohanang ito ang siyang nagbibigay sa kanila ng pag-asa na makakamtan nila ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako ng Diyos bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling. 3At ngayon na ang panahong itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Diyos na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.
4Mahal kong Tito, ang aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:
Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Ang Pagpili sa mga Tagapangasiwa ng Iglesya
5Iniwan kita sa Creta upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, at pumili ng mga pinuno ng iglesya sa bawat bayan, gaya ng bilin ko saʼyo. 6Piliin mo ang taong walang kapintasan, tapat sa kanyang asawa, mananampalataya ang kanyang mga anak at hindi sila napaparatangang nanggugulo o matigas ang ulo. 7Sapagkat ang isang tagapangasiwa#1:7 tagapangasiwa: O kayaʼy obispo. ng iglesya ng Diyos ay kailangang walang kapintasan; hindi siya mayabang, hindi madaling magalit, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. 8Sa halip, bukás dapat ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili. 9Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro din niya sa iba ang tamang katuruan at maituwid ang mga sumasalungat dito.
Pagsaway sa mga Hindi Gumagawa ng Mabuti
10Sapagkat marami ang kumokontra sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit ang pagtutuli.#1:10 ang grupong ipinipilit ang pagtutuli: Itoʼy tumutukoy sa mga Hudyong sumapi sa iglesya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila. 11Kailangang patahimikin sila, dahil nanggugulo sila ng mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi. 12Isang taga-Creta mismo na itinuturing nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.”#1:12 Ito ay sinabi ni Epimenides na isa sa kanilang pilosopo. 13Totoo ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging tama ang kanilang pananampalataya 14at hindi na sila maniwala sa mga kathang-isip ng mga Hudyo o sa mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15Sa mga malinis ang isipan, malinis rin ang lahat ng bagay. Ngunit sa mga marumi ang isipan at hindi sumasampalataya, walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi. 16Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang kakayahang gumawa ng mabuti.