Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 43

43
Ililigtas ng Diyos ang Kanyang Bayan
1Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo,
“Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita.
Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
2Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;
dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,
hindi ka matutupok.
3Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.
Ibibigay ko ang Egipto,
Etiopia#3 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan. at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
4Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka,
sapagkat mahalaga ka sa akin;
mahal kita, kaya't pararangalan kita.
5Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo!
Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran,
at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
6Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain.
Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan,
hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako;
mula sa lahat ng panig ng daigdig.
7Sila ang aking bayan na aking nilalang,
upang ako'y bigyan ng karangalan.”
Saksi ni Yahweh ang Israel
8Sinabi ni Yahweh,
“Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan.
Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita,
may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
9Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis.
Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari?
Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon?
Bayaan silang magharap ng mga saksi
para patunayan ang kanilang sinasabi
at patunayang sila ay tama.
10Bayang Israel, ikaw ang saksi ko,
pinili kita upang maging lingkod ko,
upang makilala mo ako at manalig ka sa akin.
Walang ibang Diyos maliban sa akin,
walang nauna at wala ring papalit.
11Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa;
walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12Noong una pa man ako'y nagpahayag na.
Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito.
Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos;
kayo ang mga saksi ko.
13Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman,
walang makakatakas sa aking kapangyarihan;
at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”
Paglaya Mula sa Babilonia
14Sinabi pa ni Yahweh,
ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel:
“Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo.
Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod
at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal,
ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
16Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat,
upang maging kalsadang tawiran.
17Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo.
Nilipol niya ang kanilang mga kabayo.
At ang kanilang mga karwahe'y winasak;
sila'y nabuwal at hindi na nakabangon;
parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
18Ito ang sabi niya:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
ang mga nangyari noong unang panahon.
19Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?
Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop
gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits,
sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto,
upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21Nilalang ko sila upang maging aking bayan,
upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Ang Kasalanan ng Israel
22Sinabi ni Yahweh,
“Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin;
at ayaw mo na akong sambahin.
23Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog;
hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain.
Hindi kita pinilit na maghandog sa akin,
o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso
o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan,
pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.
25“Gayunman, ako ang Diyos
na nagpatawad sa iyong mga kasalanan;
hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
26Magharap tayo sa hukuman,
patunayan mong ikaw ay may katuwiran.
27Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno,
gayon din ang iyong mga pinuno.
28Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno,#28 Ang…pinuno: Sa ibang manuskrito'y Nilapastangan ko ang mga pinuno ng aking santuwaryo.
kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel,
at mapahiya ang aking bayan.”

Kasalukuyang Napili:

Isaias 43: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya