Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodo 3:1-16

Exodo 3:1-16 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai, ang Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.” Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.” “Ano po iyon?” sagot niya. Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.” Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?” “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos. Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?” Sinabi ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio.

Exodo 3:1-16 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Isang araw, inaalagaan ni Moises ang kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari ng Midian. Dinala niya ang kawang ito sa malayong bahagi ng ilang at nakarating siya sa Horeb, ang bundok ng Diyos. Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng PANGINOON sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.” Nang makita ng PANGINOON na papalapit si Moises upang tumingin, tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!” Sumagot si Moises, “Narito po ako.” Sinabi ng Diyos, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Diyos. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Ehipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga pagdurusa. Kaya bumaba ako upang iligtas sila sa kamay ng mga Ehipsiyo, at upang dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at mga Jebuseo. Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Ehipsiyo. Kaya ipapadala kita sa Faraon upang palayain ang aking mga mamamayang Israelita sa Ehipto.” Ngunit sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino po ba ako upang pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita mula sa Ehipto?” Sinabi ng Diyos, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Ehipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.” Sinabi ni Moises sa Diyos, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Diyos ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin upang iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?” Sumagot ang Diyos kay Moises, “AKO AY AKO. Ito ang isagot mo sa kanila: ‘AKO AY AKO ang nagpadala sa akin.’ ” Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Ito ang aking pangalang magpakailanman na itatawag sa akin ng lahat ng mga salinlahi. “Ngayon humayo ka at tipunin ang mga pinuno ng Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, at nagsabi na: Binabantayan ko kayo, at nakita ko ang ginagawa ng mga Ehipsiyo sa inyo.

Exodo 3:1-16 Ang Biblia (TLAB)

Inalagaan nga ni Moises ang kawan ni Jethro na kaniyang biyanan, na saserdote sa Madian: at kaniyang pinatnubayan ang kawan sa likuran ng ilang, at napasa bundok ng Dios, sa Horeb. At ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya, sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy; at siya'y nagmasid, at, narito, ang kahoy ay nagniningas sa apoy, at ang kahoy ay hindi natutupok. At sinabi ni Moises, Ako'y liliko ngayon, at titingnan ko itong dakilang panoorin, kung bakit ang kahoy ay hindi natutupok. At nang makita ng Panginoon na panonoorin niya, ay tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako. At sinabi, Huwag kang lumapit dito, hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa. Bukod dito ay sinabi, Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kaniyang mukha; sapagka't siya'y natakot na tumingin sa Dios. At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan. At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo. At ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio. Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel. At sinabi ni Moises sa Dios, Sino ako, upang pumaroon kay Faraon, at upang ilabas sa Egipto ang mga anak ni Israel? At kaniyang sinabi, Tunay na ako'y sasaiyo; at ito'y magiging tanda sa iyo, na ikaw ay aking sinugo: pagka iyong nailabas na sa Egipto ang bayan ay maglilingkod kayo sa Dios sa bundok na ito. At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila? At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA. At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi. Yumaon ka at tipunin mo ang mga matanda sa Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob; ay napakita sa akin, na nagsasabi, tunay na kayo'y aking dinalaw, at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Egipto.

Exodo 3:1-16 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai, ang Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.” Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.” “Ano po iyon?” sagot niya. Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.” Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?” “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos. Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?” Sinabi ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio.

Exodo 3:1-16 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)