Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodo 35

35
Ang mga Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga
1Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh: 2Anim#Exo. 20:8-11; 23:12; 31:15; 34:21; Lev. 23:3; Deut. 5:12-14 na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 3Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.”
Ang mga Handog Para sa Santuwaryo
(Exo. 25:1-9)
4Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh: 5Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso; 6lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing, 7balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya, 8langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso. 9Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.”
Ang mga Kagamitan sa Toldang Tipanan
(Exo. 39:32-43)
10“Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin 11ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito. 12Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito. 13Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos, 14ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito. 15Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo, 16ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito. 17Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan. 18Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing, 19ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”
Dinala ang mga Handog
20Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda. 21Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari. 22Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh. 23May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing. 24Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo. 25Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob. 26May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing. 27Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 28May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso. 29Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.
Ang mga Gagawa sa Toldang Tipanan
(Exo. 31:1-11)
30Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 31Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos#31 ng Espiritu ng Diyos: o ng kapangyarihan. at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 32Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 33Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 34Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman. 35Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.

Kasalukuyang Napili:

Exodo 35: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya