Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Colosas 2:6-15

Mga Taga-Colosas 2:6-15 ASD

Dahil tinanggap na ninyo na si Kristo Hesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo. Maging mapanuri kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapanlinlang na pilosopiya. Mga tradisyon lamang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Kristo. Sapagkat ang kaganapan ng Diyos ay nananahan kay Kristo, sa katawang lupa niya. At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan. Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Kristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuling ito ay hindi pisikal kundi espirituwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Kristo. Inilibing kayong kasama ni Kristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Kristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Diyos na bumuhay sa kanya. Noong una, itinuring kayong mga patay dahil sa mga kasalanan ninyo. Subalit ngayon, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo. Pinatawad niya ang lahat ng ating kasalanan at binura ang listahan ng mga kasalanang dapat nating panagutan. Pinawalang-bisa niya ito at kasama niyang ipinako sa krus. Doon din sa krus nilupig ng Diyos ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.