Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Colosas 1:11-23

Mga Taga-Colosas 1:11-23 ASD

Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, upang matagalan at matiis ninyo ang lahat ng bagay nang may kagalakan. At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makibahagi sa mamanahin ng mga hinirang niyang namumuhay sa kaliwanagan. Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Si Kristo ang larawan ng di-nakikitang Diyos, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Kristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. Si Kristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan nito, ang unang nabuhay sa mga patay, nang sa gayoʼy maging pinakadakila siya sa lahat. Sapagkat minabuti ng Diyos na ang pagka-Diyos niya ay manahan nang lubos kay Kristo, at sa pamamagitan ni Kristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugong itinigis ni Kristo sa krus. Noong unaʼy hiwalay kayo sa Diyos, at kayoʼy mga kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. Subalit ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Kristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. Ngunit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Taga-Colosas 1:11-23