Pinupuri ko kayo dahil palagi ninyo akong naaalala, at sinusunod ninyo ang mga itinuro ko sa inyo. Ngayon, gusto kong malaman ninyo na si Kristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang siya namang ulo ng babae, at ang Diyos naman ang ulo ni Kristo. Kung ang isang lalaki ay nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Diyos na may takip ang ulo, nagdadala siya ng kahihiyan sa kanyang ulo na si Kristo. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Diyos na walang takip ang ulo ay nagdadala ng kahihiyan sa kanyang ulo na walang iba kundi ang lalaki, at para na rin siyang nagpakalbo. Kung ayaw magtakip ng ulo ang isang babae, magpaputol na lang siya ng buhok. Ngunit kahiya-hiya naman sa babae ang magpaputol ng buhok o magpakalbo, kaya dapat siyang magtakip ng ulo.
Hindi dapat magtakip ng ulo ang lalaki kapag sumasamba dahil siyaʼy larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit ang babae ang karangalan ng lalaki. Sapagkat hindi naman nilikha ang lalaki mula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki. At hindi naman nilikha ang lalaki para sa babae, kundi ang babae para sa lalaki. Kaya dapat magtakip ng ulo ang babae para makita, maging ng mga anghel, na nagpapasakop siya sa kanyang asawa. Ngunit dapat ninyong tandaan na sa buhay natin sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki, at kailangan din ng lalaki ang babae. Dahil kung nagmula ang unang babae sa lalaki, ang lalaki naman ay ipinapanganak ng babae; at ang lahat naman ay nagmumula sa Diyos.
Kayo na rin ang magpasya: Kaaya-aya ba na makita ang isang babae na nananalangin sa Diyos nang walang takip sa ulo? Natural sa isang lalaki na maiksi ang buhok, dahil kahiya-hiya kung mahaba ito. Ngunit karangalan ng babae ang pagkakaroon ng mahabang buhok. Sapagkat ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. Kung mayroon mang gustong makipagtalo tungkol dito, wala na akong masasabi dahil ito ang aming nakaugalian, at ito ang sinusunod ng mga iglesya ng Diyos sa ibang lugar.
Tungkol sa bagay na tatalakayin ko ngayon ay hindi ko kayo mapupuri, dahil ang mga pagtitipon ninyo ay nakakasama sa halip na nakakabuti. Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at bahagya akong naniniwala na may katotohanan nga iyan. Kinakailangan sigurong mangyari iyan upang malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya. Kapag nagtitipon kayo, hindi naman ninyo ipinagdidiriwang ang Banal na Hapunan, dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy lasing na, at ang iba namaʼy gutom pa. Wala ba kayong mga sariling bahay para doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Diyos at ipinapahiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!
Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing ipagkanulo ang Panginoong Hesus, kumuha siya ng tinapay, at pagkatapos niyang magpasalamat sa Diyos, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa kopa. Kinuha niya ito at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong kasunduang pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang pagbabalik.
Kaya nga, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Kailangang suriin ng bawat isa ang kanilang sarili bago kumain ng tinapay at uminom sa kopa. Sapagkat ang sinumang kumain at uminom nito nang hindi pinapahalagahan ang katawan ng Panginoon ay nagdadala ng kaparusahan sa kanyang sarili. At ito nga ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahihina at may sakit, at ang ilan ay namatay. Ngunit kung susuriin natin ang ating sarili, kung tama o mali ba ang ating mga ginagawa, hindi tayo parurusahan ng Diyos. Kung tayo man ay pinarurusahan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang hindi tayo maparusahang kasama ng mga tao sa mundo.
Kaya nga, mga kapatid, kapag nagtitipon-tipon kayo para sa Banal na Hapunan, maghintayan kayo. Kung may nagugutom sa inyo, kumain na muna siya sa kanyang bahay nang hindi kayo maparusahan ng Panginoon dahil sa mga ginagawa ninyo sa inyong pagtitipon.
At tungkol naman sa iba pang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.