Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Cronica 16:7-36

1 Mga Cronica 16:7-36 ASD

Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa PANGINOON: Pasalamatan nʼyo ang PANGINOON. Sambahin nʼyo siya! Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa. Awitan nʼyo siya ng mga papuri; ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa. Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan. Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa PANGINOON. Magtiwala kayo sa PANGINOON, at sa kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa kanya. Alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol. Kayong mga pinili ng Diyos na mga lahi ni Jacob, kayong lingkod ng Diyos na mga lahi ni Israel. Siya ang PANGINOON na ating Diyos, at siya ang namamahala sa buong mundo. Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon. Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham, at ipinangako niya kay Isaac. Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob, at magpapatuloy ito magpakailanman. Sinabi niya, “Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.” Nooʼy iilan pa lang ang mga mamamayan ng Diyos, at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan. Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian. Ngunit hindi pinahintulutan ng Diyos na apihin sila. Bilang proteksyon sa kanila ay sinaway niya ang mga hari. Sinabi niya sa kanila, “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod, huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.” Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa PANGINOON. Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin. Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa. Dahil dakila ang PANGINOON at karapat-dapat papurihan. Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga diyos, dahil ang lahat ng diyos ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin, ngunit ang PANGINOON ang lumikha ng langit. Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan; ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan. Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat ng tao sa mundo. Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan. Ibigay ninyo sa PANGINOON ang mga papuring nararapat sa kanya. Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya. Sambahin ninyo ang PANGINOON sa kagandahan ng kanyang kabanalan. Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan. Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga. Magalak ang langit, at magsaya ang lupa. Ipahayag nila sa mga bansa, “Naghahari ang PANGINOON.” Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila. At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng PANGINOON. Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo. Magpasalamat kayo sa PANGINOON dahil siyaʼy mabuti; ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan. Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Diyos na aming Tagapagligtas; tipunin nʼyo po kami at palayain nʼyo po kami sa mga bansa, upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.” Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, magpakailanman. At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang PANGINOON!