YouVersion Logo
Search Icon

Nehemias 6

6
Masamang Balak kay Nehemias
1Nabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ni Gesem na taga-Arabia, pati ng iba naming mga kaaway, na naitayo ko na ang pader at wala na itong butas bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto nito. 2Inanyayahan ako nina Sanbalat at Gesem na makipag-usap sa kanila sa isang nayon sa Kapatagan ng Ono. Alam kong may masama silang balak sa akin. 3Kaya't nagpadala ako ng mga sugo para sabihin sa kanila, “Mahalaga ang aking ginagawa rito kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring ipatigil ang trabaho rito para makipagkita lamang sa inyo.” 4Apat na beses nila akong inanyayahan at apat na beses ko rin silang tinanggihan. 5Sa ikalimang pagkakataon ay inanyayahan akong muli ni Sanbalat sa pamamagitan ng isang bukás na liham na 6ganito ang mensahe:
“Balitang-balita sa iba't ibang bansa at pinapatunayan ni Gesem#6 GESEM: Sa tekstong Hebreo'y Gasmu. na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik, kaya itinatayo mong muli ang pader. May balita pang gusto mong maging hari. 7Sinasabi pang may mga propeta kang inutusan upang ipahayag sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na alam na ito ng hari, kaya pumarito ka agad at pag-usapan natin ang bagay na ito.”
8Ito naman ang sagot ko, “Walang katotohanan ang mga pinagsasasabi mo. Gawa-gawa mo lamang ang mga iyan.” 9Tinatakot nila kami upang itigil ang gawain. Nanalangin ako, “O Diyos, palakasin po ninyo ako.”
10Minsan ay dinalaw ko si Semaya na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, sapagkat hindi siya makaalis sa kanyang bahay. Sinabi niya sa akin, “Halika. Pumunta tayo doon sa Templo, sa tahanan ng Diyos, at doon ka magtago. Sapagkat anumang oras ngayong gabi ay papatayin ka nila.”
11Ngunit sumagot ako, “Hindi ako ang lalaking tumatakbo o nagtatago! Akala mo ba'y magtatago ako sa Templo para iligtas ang aking sarili? Hindi ko gagawin iyon.”
12Napag-isip-isip kong hindi isinugo ng Diyos si Semaya. Binayaran lamang siya nina Sanbalat at Tobias upang ako'y bigyan niya ng babala. 13Sinuhulan lamang nila siya upang takutin ako at itulak sa pagkakasala. Sa ganoong paraan, masisira nila ang aking pangalan at ilagay ako sa kahihiyan.
14Nanalangin ako, “O Diyos, parusahan po ninyo sina Tobias at Sanbalat sa ginawa nila sa akin. Gayundin po ang gawin ninyo kay Noadias, ang babaing propeta at iba pang mga propeta na nagtangkang takutin ako.”
Natapos ang Trabaho
15Pagkaraan ng limampu't dalawang araw na paggawa, natapos ang pader noong ikadalawampu't limang araw ng ikaanim na buwan. 16Nang mabalitaan ng aming mga kaaway sa mga bansang nakapaligid na tapos na ang aming trabaho, napahiya sila at napag-isip-isip nilang ito'y nagawa namin dahil sa tulong ng aming Diyos.
17Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno sa Juda. 18Maraming taga-Juda ang pumanig sa kanya sapagkat siya'y manugang ng Judiong si Secanias na anak ni Arah. Bukod dito, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na dalaga ni Mesulam na anak ni Berequias. 19Sa harapan ko'y lagi nilang pinupuri ang ginawa ni Tobias at lagi nilang ibinabalita sa kanya ang aking sinasabi. At patuloy siyang nagpapadala ng sulat sa akin upang ako'y takutin.

Currently Selected:

Nehemias 6: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy