YouVersion Logo
Search Icon

Mga Gawa 19

19
1At nangyari, na, samantalang si Apolos ay nasa Corinto, pagkatahak ni Pablo ng mga lupaing matataas ay napasa Efeso, at nakasumpong ng ilang mga alagad: 2At sa kanila'y sinabi niya, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y magsisampalataya? At sinabi nila sa kaniya, Hindi, hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo. 3At sinabi niya, Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan. 4At sinabi ni Pablo, Nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila'y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga'y kay Jesus. 5At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo; at sila'y nagsipagsalita ng mga wika, at nagsipanghula. 7At silang lahat ay may labingdalawang lalake. 8At siya'y pumasok sa sinagoga, at nagsalitang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Dios. 9Datapuwa't nang magsipagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, na pinagsasalitaan ng masama ang Daan sa harapan ng karamihan, ay umalis siya sa kanila, at inihiwalay ang mga alagad, na nangangatuwiran araw-araw sa paaralan ni Tiranno. 10At ito'y tumagal sa loob ng dalawang taon; ano pa't ang lahat ng mga nagsisitahan sa Asia ay nangakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayon din ang mga Griego. 11At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo: 12Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu. 13Datapuwa't ilan sa mga Judiong pagalagala na nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu, ay nagsipangahas na sambitlain ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na nagsisipagsabi, Ipinamamanhik ko sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo. 14At may pitong anak na lalake ang isang Esceva na Judio, isang pangulong saserdote, na nagsisigawa nito. 15At sumagot ang masamang espiritu at sa kanila'y sinabi, Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa't sino-sino kayo? 16At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila'y kaniyang natalo, at nadaig sila, ano pa't nagsitakas sila sa bahay na yaon na mga hubo't hubad at mga sugatan. 17At nahayag ito sa lahat, sa mga Judio at gayon din sa mga Griego, na nangananahanan sa Efeso; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinadakila ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18Marami rin naman sa mga nagsisampalataya na ang nagsidating, na ipinahahayag at isinasaysay ang kanilang mga gawain. 19At hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang magica ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat; at kanilang binilang ang halaga niyaon, at nasumpungang may limampung libong putol na pilak. 20Sa gayo'y lumagong totoo ang salita ng Panginoon at nanaig. 21Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ay ipinasiya ni Pablo sa espiritu, nang matahak na niya ang Macedonia at ang Acaya, na pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22At nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawa sa nagsisipaglingkod sa kaniya, na si Timoteo at si Erasto, siya rin ay natirang ilang panahon sa Asia. 23At halos nang panahong yao'y may nangyaring hindi mumunting kaguluhan tungkol sa Daan. 24Sapagka't may isang taong nagngangalang Demetrio, pandaypilak, na gumagawa ng maliliit na dambanang pilak ni Diana, ay nagbibigay ng hindi kakaunting hanap-buhay sa mga panday; 25Na sila'y kaniyang tinipon pati ng mga manggagawa ng mga gayong gawa, at sinabi, Mga Ginoo, talastas ninyo na nagsisiyaman tayo sa hanap-buhay na ito. 26At inyong nakikita at naririnig, na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, ay nakaakit ang Pablong ito at naghiwalay ng maraming mga tao, na sinasabing hindi raw mga dios, ang mga ginagawa ng mga kamay: 27At hindi lamang may panganib na mawalang kapurihan ang hanapbuhay nating ito; kundi naman ang templo ng dakilang diosa Diana ay mawawalan ng halaga, at hanggang sa malugso ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong Asia at ng sanglibutan. 28At nang marinig nila ito'y nangapuno sila ng galit, at nangagsigawan, na nagsipagsabi, Dakila ang Diana ng mga taga Efeso. 29At napuno ng kaguluhan ang bayan: at pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan, na sinunggaban si Gayo at si Aristarco, mga lalaking taga Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30At nang inakala ni Pablo na pasukin ang mga tao, ay hindi siya tinulutan ng mga alagad. 31At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa'y kaniyang mga kaibigan, ay nangagpasugo sa kaniya at siya'y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan. 32At ang iba nga'y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman: sapagka't ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila'y nangagkatipon. 33At kanilang inilabas si Alejandro sa karamihan, na siya'y itinutulak ng mga Judio sa dakong harap. At inihudyat ang kamay ni Alejandro, at ibig sanang magsanggalang sa harapan ng bayan. 34Datapuwa't nang matalastas nilang siya'y Judio, ay nangagkaisang lahat na mangagsigawan sa loob halos ng dalawang oras, Dakila ang Diana ng mga Efeso. 35At nang mapatahimik na ng kalihim-bayan ang karamihan, ay kaniyang sinabi, Kayong mga lalaking taga Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapagingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter? 36Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anomang bagay sa madalian. 37Sapagka't dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga mangloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diosa. 38Kung si Demetrio nga, at ang mga panday na kasama niya, ay mayroong anomang sakdal laban sa kanino man, ay bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul: bayaan ninyong mangagsakdal ang isa't isa. 39Datapuwa't kung may inuusig kayo sa ano pa mang ibang mga bagay, ay mahahatulan sa karaniwang kapulungan. 40Sapagka't totoong nanganganib tayo na mangasakdal tungkol sa pagkakagulo sa araw na ito, palibhasa'y walang anomang kadahilanan: at tungkol dito ay hindi tayo makapagbibigay sulit tungkol sa pagkakatipong ito. 41At nang siya'y makapagsalitang gayon, ay pinaalis niya ang kapulungan.

Currently Selected:

Mga Gawa 19: TLAB

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy