Mga Panaghoy 3:22-46

Mga Panaghoy 3:22-46 ASD

Dahil ang pag-ibig at awa ng PANGINOON ay walang katapusan kaya hindi tayo tuluyang nalipol. Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng PANGINOON! Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang PANGINOON ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” Mabuti ang PANGINOON sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya. Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng PANGINOON. Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang makipamatok at sumunod. Kapag tinuturuan tayo ng PANGINOON, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti. Magpakumbaba tayo sa harap ng PANGINOON at huwag mawalan ng pag-asa. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway. Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman. Ngunit kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin. Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan. Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo, o balewalain ang karapatan ng tao. Ayaw din ng Kataas-taasang Diyos na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito. Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon. Hindi baʼt ang Kataas-taasang Diyos ang nagpapasya kung mangyayari ang isang bagay, mabuti man ito o masama? Kaya bakit tayong mga taoʼy magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan? Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa PANGINOON. Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Diyos na nasa langit at sabihin: “PANGINOON, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad. “Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay. Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili upang hindi nʼyo marinig ang aming mga panalangin. Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa. “Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway.