Jeremias 52

52
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
1Si Zedequias ay dalawampuʼt isang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 2Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Haring Jehoiakim. 3Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
Kaya nagrebelde si Zedequias sa hari ng Babilonia.
4Kaya noong ikasiyam na taon ng paghahari niya, nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng lupa sa tabi ng pader upang doon sila dumaan sa pagpasok nila sa lungsod. 5Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedequias.
6Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. 7Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedequias na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Ngunit dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Kapatagan ng Jordan.#52:7 Kapatagan ng Jordan: Sa Hebreo, Araba. 8Ngunit hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Haring Zedequias ang lahat ng sundalo niya 9at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan. 10Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedequias, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedequias, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 11At ipinadukot ng hari ang mga mata ni Zedequias, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.
12Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardiya ng hari ng Babilonia. 13Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali. 14Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 15At dinala ni Nebuzaradan bilang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 16Ngunit iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao upang alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.
17Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso. 18Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 19Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak. 20Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa labindalawang torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Haring Solomon para sa templo ng Panginoon. 21Ang taas ng bawat haligi ay may sukat na 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada. 22Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata. 23Sa gilid ng bawat haligi ay may siyamnapuʼt anim na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.
24Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraias na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo. 25Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kalihim ng kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang animnapu pang mamamayan doon. 26Doon sa Ribla silang lahat ay ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia 27at doon sa Ribla na sakop ng Hamat, ipinapatay silang lahat ng hari ng Babilonia.
Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
28Ito ang bilang ng mga taga-Juda na binihag ni Haring Nebucadnezar mula sa Jerusalem:
Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.
29Noong ika-labinwalong taon ng paghahari niya, 832.
30Noong ikadalawampuʼt tatlong taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan na pinuno ng mga kawal ang bumihag sa kanila.
May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.
Pinakawalan si Jehoiakin
31Noong ikatatlumpuʼt pitong taon ng pagkabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil-merodac. Pinalaya niya sa pagkakakulong si Jehoiakin noong ikadalawampuʼt limang araw ng ikalabindalawang buwan ng taon ding iyon. 32Mabait siya kay Haring Jehoiakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia. 33Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoiakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 34At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.

Tans Gekies:

Jeremias 52: ASD

Kleurmerk

Deel

Kopieer

None

Wil jy jou kleurmerke oor al jou toestelle gestoor hê? Teken in of teken aan